On Supreme Court action on electoral protest of Bongbong Marcos

Statement of Minority Senators Leila De Lima, Franklin Drilon, Risa Hontiveros, and Kiko Pangilinan

on Supreme Court action on electoral protest of Bongbong Marcos

Naninindigan ang Minorya sa Senado sa makatuwiran at makabuluhang pag-iral ng ating mga batas. Mariin kaming tumututol sa desisyon ng Korte Supremang pumapabor kay Ginoong Marcos sa electoral protest nito ukol sa posisyon ng Bise Presidente.

Ang simple at makatotohanang tala ng mga pangyayari: Ginanap ang halalan noong 2016. Ibinoto ng sambayanan si Bise Presidente Leni. Ang sabi ni Ginoong Marcos, dinaya siya. Nagsampa siya ng protesta. Ang sabi ng Presidential Electoral Tribunal: Mamili ka ng tatlong probinsya kung saan sa tingin mo ay dinaya ka. Silipin natin ang mga balota doon. Bilangin ulit natin. Kung totoo ang sinasabi mong dinaya ka, dapat makita nating bababa ang boto ni VP Leni doon. Dapat makita nating hindi sinasalamin ng mga probinsyang ito ang panalo ni VP Leni.

Isinagawa ang recount. Ang resulta: Lalo pang lumaki ang lamang ni VP Leni. Sa mga lugar na sinasabi ni Ginoong Marcos na dinaya siya, imbes na makitang bumaliktad ang resulta at mapatunayan ang kanyang paratang, lalo pang lumitaw ang katotohanan: Panalo si VP Leni.

Ang dapat mangyari ngayon: I-dismiss na ang kaso. Tantanan na ang kasinungalingan. Tanggapin na ang katotohanang si Leni Robredo ang Pangalawang Pangulo ng bansa.

Ngunit ang mangyayari ngayon, sa desisyon ng Korte Suprema: Pinapakomento ang dalawang panig sa isa pang petisyon ni Ginoong Marcos.

Bakit po kaya tila isinantabi ng Korte ang sarili nitong patakaran, na nagsasabing dapat nang i-dismiss ang kaso kung hindi maipakita ang paghabol ni Ginoong Marcos sa mga probinsyang siya na ang pumili? Kailan po kaya matatapos ang kasong ito? Kapag nabaliktad na ang mundo, at naging totoo na ang kasinungalingan?

Mariin kaming tumututol sa ganitong kalakaran. Sinusuportahan namin ang dissenting opinion ni Senior Associate Justice Antonio Carpio na nakasandig sa malinaw na katotohanan: Si Bise Presidente Leni Robredo ang nakakuha ng mas maraming boto sa 3 probinsya na iprinotesta mismo ni Marcos.

Si Bise Presidente Leni Robredo ang nakakalap ng mas maraming boto noong nakaraang eleksyon. Siya ang halal, ligal, karapat-dapat, at tunay na Bise Presidente ng ating bansa. Nananawagan kami sa lahat na manindigan din sa katotohanang ito.