On media requests for comments re government’s offer to VP Leni to take on the job as anti-drug czar, asking if she should take it

1. Seryoso ba ang offer? O para lang mabago o malihis ang usapan sa totoong problema ng bansa?

Kasi sa isang banda, sinabi nila na “patay” ang tao kung iboboto nila si VP Leni. Patunay ito na hindi nila pinaniniwalaan ang kanyang kakayahan. Ngayon sinasabi nila, gagawin nilang anti-drug czar si VP. Bakit nila biglang gustong gawing anti-drug czar ang sinabi nilang hindi maaring pagkatiwalaan?

Ano ba talaga ang totoo? Maliwanag na wala silang isang salita sa usaping ito at gagamitin lang na patibong dahil pruweba mismo ang olats nilang drug war pagkatapos ng tatlong taon, libo-libong patay na mahihirap na Pilipino, tone-toneladang na-smuggle na shabu, pinapakawalang drug lords at mga kasabwat sa gobyerno at hindi pinaparusahang mga “ninja cops” na kaalyado ng administrasyon.

Sa gitna ng maraming tunay na krisis, ano ang silbi nitong offer sa taumbayan? Pwede bang pagkatiwalaan ang administrasyong walang isang salita? At hanggang walang malinaw na offer, mukhang lokohan lang ang nasabing mungkahi.

Kayang-kaya namang solusyunan ng gobyerno ang problema ng droga: hulihin, kasuhan, at ikulong ang mga malalaking drug lord at mga opisyal ng BoC na nagpalusot ng toneladang shabu at panagutin ang mga “ninja cops” na nagpapatakas sa kanila. Gawin lang nila.

2. Droga ba ang problema ng mga Pilipino?

Isa sa bawat limang Pilipino ang nakakaranas ng gutom. Ang mga magsasaka na siyang nagpapakain sa atin, kabilang sa mga nagugutom, lalo na nang bumaha ng murang bigas mula sa ibang bansa. May krisis din sa tubig, may mga nasalanta pa ng lindol sa Mindanao. Doon tayo tumutok, huwag sa mga palabas.