Solusyonan ang problema ng droga, hindi puro batikos at puna kay VP Leni: Pangilinan

Hindi kailangang mag-imbento ng kwento para punahin si VP Leni. Kung hindi nila pinagkakatiwalaan ang Pangalawang Pangulo, hindi na dapat nila inappoint bilang ICAD co-chair.

Marahil hindi nila inaasahan na tatanggapin ni VP Leni ang pwestong inalok nila kaya walang tigil ang mga puna at batikos na walang basehan.

Hindi na natin papatulan ang mga gawa-gawang kwento ng Malakanyang laban kay VP Leni. Walang kwenta, walang basehan, at gawa-gawa lang ang mga kwentong ito.

Kung ayaw nila si VP Leni bilang drug czar, walang pumipigil sa kanila na tanggalin siya sa nasabing pwesto. Itigil na nila ang pananakot na tatangalin si VP Leni sa pwesto at itigil din ang pasaring at pang-iinuslto na hindi maaring pagkatiwalaan si VP Leni. Hindi kapit-tuko sa pwestong drug czar si VP Leni.

Ang kay VP Leni lang, hindi patayan ang solusyon sa problema ng droga. Ang drug addiction ay isyu ng kalusugan kaya’t isyu ito ng pagpapagaling ng sakit. At gagawin niya ang lahat para masalba ang mga buhay ng mga Pilipino. Tulad ng milyon-milyon nating mga kababayan, ayaw niya ang araw-araw na patayan.