12-taong kulong sa botcha vendors

December 1, 2010

Dindo Matining
Abante Online
December 2, 2010

Anim hanggang 12 taon ang naghihintay sa sinumang mahuling nagbebenta ng ‘botcha’ o double dead na karne sa lahat ng pamilihan sa bansa.

Ito ang nakasaad sa Senate Bill 2612 na inihain ni Senador Francis Pangilinan na naglalayong amiyendahan ang Republic Act 9296 o “Meat Inspection Code of the Philippines”.

Bukod sa pagkakakulong, nais din ni Pangilinan na pagmultahin ng hindi bababa sa P50,000 pero hindi lalampas sa P200,000 ang mga mahuhuling nagbebenta ng double dead na karne o botcha.

Inihain ni Pangilinan ang panukala dahil sa patuloy na pagkalat ng mga double dead na karne sa mga pampublikong pamilihan sa Metro Manila partikular sa Balintawak at Pasay Market.

“The trade of meat from dead or diseased animals has become prevalent in the country especially in Metro Manila. This practice has jeopardized both consumers and producers, by endangering health and disturbing market stabi­lity,” wika ng senador.

Ayon kay Pangilinan, dapat magkaroon ng mabigat na parusa para sa mga nagbebenta ng botcha o delikadong karne dahil inilalagay ng mga ito sa panganib ang buhay at kalusugan ng publiko.

Giit pa ng senador, kasamang pananagutin ang presidente o manager o sinumang tauhan na may direktang kinalaman sa panloloko sa mga mamimili.

Dapat din aniyang patawan din ng parusa ang tauhan ng National Meat Inspection na magpapalusot ng mga hindi ligtas na karne.

Sa kasalukuyang batas, sinabi ni Pangilinan na kinukumpiska lamang ang karne na bagsak ang kalidad at kinakansela ang lisensiya ng meat dealer.

View original post on Abante Online

 

 

×