STATEMENT OF KIKO PANGILINAN ON NINOY AQUINO DAY 2025

Linggo nun at nag-a-advance birthday celebration ako sa bahay ng aking 20th birthday kasama ang aking mga frat brods nang mabalitaan namin ang pagpaslang kay Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. Oo mga Frat brods ko sina Marcos Sr. at si Ninoy Aquino sa Upsilon Sigma Phi sa UP.

Ang marahas na pagpapatahimik sa isang katangi-tanging lider ng oposisyon ang nag-iba ng landas ng maraming Pilipinong tulad ko. 

Mula sa isang wapakels na kabataan, namulat ako sa maraming sakit ng lipunan. Pagpasok ng 1984, nagmamartsa na ako sa lansangan para sa kalalyaan at demokrasya bilang UP student lider at aktibista. Lumahok sa EDSA People Power. At hanggang ngayon, tumutulong sa pagpapatibay sa mga institusyon ng demokrasya—sa mga check and balance sa kapangyarihan ng estado tulad ng Senado.

Apatnapu’t dalawang taon na rin pala ang nakalipas. Apatnapu’t dalawang taon nang mawalan ng asawa ang yumaong Pangulong Cory. Apatnapu’t dalawang taon nang mawalan ng tatay ang yumaong Pangulong Noynoy at mga kapatid niya. 

Matagal na rin yun. Pero narito tayo sa larangan ng pulitika at isinasabuhay ang isa sa maraming aral ng buhay ni Ninoy: Kung mahal mo ang bayang Pilipinas, ipaglalaban mo. Ipaglalaban mo ang dignidad ng pinakaaba. ‘Ika nga: Ang mangingibig, makabayan, palaban.