STATEMENT OF SEN. KIKO PANGILINAN ON THE KILLING OF EX-NIA EMPLOYEE NIRUH KYLE ANTATICO

Taos-pusong pakikiramay sa pamilya at mga mahal sa buhay ni Niruh Kyle Antatico, 40-anyos, ang dating senior legal researcher ng National Irrigation Administration (NIA) Region 10 na brutal na pinagbabaril sa Cagayan de Oro City noong Biyernes. 

Mariin nating kinokondena ang pagkitil sa buhay ni Kyle, na ang tanging “krimen” ay ang magsalita ng katotohanan at ilantad ang diumano’y katiwalian na may kinalaman sa mga pondong nakalaan para sa ating mga magsasaka. 

Nananawagan tayo sa mga law enforcers na dalian ang paghuli sa pumatay kay Kyle. Bawat araw na walang nanagot, lalong nagiging walanghiya ang mga salarin, lalong nawawalan ng tiwala sa pamahalaan ang taumbayan. 

Ninanakawan na ang taumbayan, papatayin pa? Lalo tayong ginagalit ng sinumang may pakana sa pagpatay kay Kyle. Magpupursigi tayo sa paglantad at pagtigil ng mga anomalya sa NIA, sa pondong nakalaan para sa mga magsasaka at mangingisda, at sa lahat ng ahensya ng pamahalaan.