SENATOR FRANCIS “KIKO” PANGILINAN’S MESSAGE ON NATIONAL HEROES’ DAY

ANG BAYANI, HINDI NANGGO-GHOST

Madalas natatapat ang Araw ng mga Bayani sa ghost month — paalala na ang tunay na bayani, hindi nanggo-ghost.

Nakaugat ang paggunitang ito sa pagkilala sa sama-samang pakikibaka para sa kalayaan simula noong Himagsikan ng 1896. Gusto nating magpugay hindi lamang sa mga kilalang bayaning nasa libro ng kasaysayan, kundi lalo na sa mga di-kilalang Pilipino na matatapang magmahal sa bayan.

Dito sa duyan ng magiting, maraming bayani ang sumasaklolo sa mga nasa bingit ng kapahamakan — kahit nakataya ang sariling kalusugan, kaligtasan, at kabuhayan.

Sabi nga nila, not all heroes wear capes. Nandyan lang silang:

Mga magulang, marami sa kanila mga OFWs, na araw-araw nagsasakripisyo upang maitaguyod at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanilang pamilya; mga environment defender na nangangalaga sa ating lupa, kagubatan, karagatan, at mga komunidad;

Mga magsasaka at mangingisda, na nagpapakain sa bayan, kahit ginigipit ng price manipulators at smugglers; at mga truth-tellers, kasama ang mga saksi sa mga krimen, na naninindigan para sa tama at pananagutan kahit binabantaan o sinusuhulan.

Nitong mga nagdaang linggo ng walang tigil na ulan, sumuong sa baha ang mga kapitbahay, rider, social worker at health professional, at volunteer sa disaster at emergencyresponse. Hinarap ang panganib para maghatid ng pagkain, gamot, tulong, at kaligtasan.

‘Yan ang bayaning Pilipino: Hindi nagpapasiil sa hamon ng buhay. 

##########