SENATOR FRANCIS “KIKO” PANGILINAN ON BARMM ELECTIONS

Sa bungad ng unang parliamentary elections sa Bangsamoro, nababahala tayo sa mga ulat ng gun violence at tumitinding tensyon ilang araw bago ang halalan. Makasaysayang sandali ito: pipili ng mga magiging kinatawan pagkatapos ng napakahabang pakikibaka upang makamtan ng mga kapatid nating Moro ang pagkakataong mamuhay nang may dignidad, sariling pagpapasya, at kapayapaan.

Taon-taong tunggalian, dispacement, pagdadalamhati, at sakripisyo ang pinagdaanan ng milyon-milyon para makarating sa yugtong ito. Nag-aalok ang halalang ito ng isang landas kung saan maririnig ang tinig ng mamamayan hindi sa pamamagitan ng putok ng baril, kundi sa malaya at pantay na paggamit ng kanilang karapatan bilang mamamayan.

Hinihikayat natin ang lahat ng panig na panatilihing tapat, maayos, mapayapa, at kapani-paniwala ang halalan. Nanawagan tayo sa Comelec, PNP, AFP, mga kandidato, mga lokal na opisyal, dating mga combatant, mga community at religious leader, mga tagasuporta ng mga kandidato, at bawat residente ng Bangsamoro na gawin ang kanilang bahagi nang may pagpipigil, tapang, at paggalang sa kagustuhan ng mamamayan.

Sapat na ang dugong dumanak. Panahon nang matutong maghangad ang lupaing ito hindi ng mga armas, kundi ng mga araro, ng trabaho, ani, edukasyon, at kinabukasang para sa lahat.

Progresibo ang mga pangako ng halalan. Sinisikap nitong palawakin ang representasyon sa kababaihan, katutubo, at sari-saring sektor. Kailangan ng pangakong ito ang seguridad na neutral, hindi ang labis na military presence. Walang botante ang dapat nag-aatubiling lumabas para malayang maiparinig ang kanyang tinig sa balota.

Pangalagaan natin ang halalang ito para sa ating mga anak, at para sa mga susunod na henerasyong karapat-dapat magmana ng isang tunay na payapa at maunlad na Bangsamoro.