SENATOR FRANCIS “KIKO” PANGILINAN ON M/V JUNE ASTER

Nakikiramay tayo sa mga pamilya ng mga nasawi sa sunog na sakay ng M/V June Aster sa Coron, Palawan. Nakikiisa tayo sa mga hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng balita tungkol sa kanilang mga mahal sa buhay. Bawat buhay na nawala, bawat taong patuloy na nawawala, at bawat pamilyang naiwan sa gitna ng kawalang-katiyakan, kailangan ng kongkretong aksyon mula sa pamahalaan.

Bilang isang arkipelago, halos 190,000 pasahero [1] ang bumibiyahe sa mga pantalan ng Pilipinas araw-araw. Malaking usapin ang kaligtasan sa paglalayag. Pangunahing pananagutan ito ng pamahalaan. Kailangang tiyakin ng mga regulatory agency, port authority, operator ng mga barko, at mga tripulante na bawat pasaherong sumasakay ay nasa isang barkong ligtas at karapat-dapat maglayag: may maayos na fire-prevention at fire-suppression systems, madaling maabot na mga life-saving equipment, malinaw at accessible na emergency exits, accurate na passenger manifests, at mga tripulanteng may sapat na training at kahandaang kumilos sa oras ng emergency.

Isang chain ang kaligtasan. May pananagutan ang bawat isa: lubusang sumusunod ang mga operator sa mga itinakdang pamantayan; mahigpit at masinsinan ang inspeksyon ng mga regulator at walang palusot sa pagpapatupad ng mga patakaran; laging handa ang mga tripulante; at nakikinig ang mga pasahero sa safety briefing, nagsusuot ng life jacket kapag inatasan, at agad ni-re-report ang anumang panganib.

Nanawagan tayo para sa isang mabilis, independiyente, at masusing imbestigasyon sa trahedya. Kailangang malinaw na matukoy nito ang sanhi ng insidente, lahat ng pagkukulang at mga dapat managot, at ang mga repormang kailangang ipatupad (hindi lamang irekomenda).

Dapat masukat ang resulta nito sa malinaw na mga layunin: mas ligtas na mga barko, mas mahigpit na inspeksyon, mas mabilis na pagtugon sa emergency, at panibagong tiwala ng publiko sa paglalakbay sakay ng mga ferry sa buong Pilipinas. ##


[1] PPA reports almost 70 million passenger movements per year; divide by 365 days a year gives us almost 190,000 passenger movements a day. from https://www.ppa.com.ph/node/22269