SEN KIKO TO AUTHORITIES: KAMPIHAN MGA MAGSASAKA NG KASIBU, HUWAG DAHASIN

Bakit kailangang ipagtanggol ng mga magsasakang taga-Kasibu, Nueva Vizcaya ang kanilang mga sarili, lupain, at kabuhayan laban sa mga awtoridad na dapat sana’y nagpoprotekta sa kanila?
 
Kaisa tayo ng mga magpapalay, magmamais, at mga magsasaka ng sari-saring gulay at prutas sa pagprotekta ng kanilang mga tahanan, kabuhayan, at pinagkukunan ng tubig (water sources). Kaisa tayo sa kanilang pagtutol sa mineral exploration na sisira sa mga tanimang lupa para gawing minahan. Kaisa tayo sa laban para sa kinabukasan nilang nagpapakain sa atin at sa kinabukasan nating lahat na pinapakain nila.
 
Halos anim na buwan na silang nagbabarikada para igiit ang pananagutan sa likod ng exploration permit na kinukuwestiyon nila dahil sa proseso ng konsultasyon at pagkilala sa kanilang mga karapatan sa lupa. Nagkaroon ba ng tunay na free, prior, and informed consent?
 
Pagkampi sa kanila — hindi dahas, pag-aresto, o pananakot — ang dapat nilang matanggap sa mga awtoridad.
 
Dapat tandaan ng kapulisan na tungkulin nilang protektahan ang karaniwang mamamayan, hindi ang interes ng mga korporasyon na pipinsala sa mga tao at pagkain. Dapat tiyakin ng mga hukuman na naririnig ang lehitimong hinaing ng mga residenteng magsasaka at tampok ang mahahalagang usapin tungkol sa pagmamay-ari ng lupa at pangangalaga sa kalikasan. Ang DENR naman ay dapat maging tunay na tagapangalaga ng ating likas na yaman at ng mga komunidad na umaasa rito, hindi basta tagapag-apruba ng mga permit sa pagmimina — na hindi naman lisensiya para yurakan ang karapatan ng karaniwang Pilipino.
 
Ang kagyat nating panawagan sa DILG at sa pamunuan ng Philippine National Police: Itigil ang paggamit ng dahas laban sa mga taga-Kasibu. Igalang ang kanilang mga karapatan. At tiyakin ang kaligtasan nila at ng kanilang mga pananim at lupain.
 
Hindi matatawag na kaunlaran ang proyektong nagtataboy sa mga mamamayan sa sarili nilang lupain o sisira sa mga pananim na kinakain natin.
 
Hindi kaaway ang mga magsasaka ng Kasibu. Sila at ang kanilang mga kabuhayan ang dapat pinoprotektahan ng mga alagad ng batas.