Nakakagalit at nakakalungkot ang sinapit ng 29 alagang hayop na itinapon sa isang bakanteng lote sa San Jose del Monte, Bulacan, sa halip na i-cremate gaya ng ipinangakong serbisyo sa kanilang mga nagmamay-ari.
Hindi katanggap-tanggap na pagkakitaan ang pagdadalamhati ng mga pet owner na nagbayad para mabigyan ng maayos at marangal na huling hantungan ang kanilang mga alagang hayop. Kung mapatutunayang niloko sila, dapat managot ang mga nasa likod nito.
Maaaring lumabag sa Republic Act No. 9003 o Ecological Solid Waste Management Act, gayundin sa mga lokal na ordinansa sa kalinisan at sanitasyon, ang umano’y pagtatapon sa mga labi ng mga hayop. Kung niloko naman ang mga may-ari at pinabayad para sa cremation na hindi naman talaga ginawa, maaaring pumasok ang kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code. Maaari ring managot sa danyos dahil sa paglabag sa contractual obligations sa ilalim ng Article 1170 ng Civil Code. Kailangang mapanagot ang mga responsable batay sa ebidensiya at sa tamang proseso ng batas.
Nanawagan tayo sa lokal na pamahalaan at mga kinauukulang awtoridad na imbestigahan agad ang insidente at tiyaking mapanagot ang mga responsable. Dapat ding mabigyan ng tulong ang mga pet owner na nabiktima upang makapagsampa sila ng kaukulang reklamo.
Noong 15th Congress, nakipagtulungan tayo sa Philippine Animal Welfare Society (PAWS) upang amyendahan ang Animal Welfare Act of 1998 sa pamamagitan ng Republic Act No. 10631. Pinalakas ng batas na ito ang mga parusa laban sa pagmamalupit, pagpapabaya, at pang-aabuso sa mga hayop.
Patuloy nating isinusulong ang mas mahigpit na proteksyon para sa mga hayop sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2501 o Revised Animal Welfare Act, na kilala rin bilang Dolly’s Act. Iminumungkahi ng panukalang batas ang pagtatatag ng Animal Welfare Bureau na mangangasiwa sa pagtatakda at pagpapatupad ng mga pamantayan para matiyak ang wastong pangangalaga sa mga hayop. Kabilang dito ang pagbibigay ng sapat na pagkain, tubig, at tirahan, access sa serbisyong beterinaryo, at proteksyon laban sa pagmamalupit.
Sa final version ng batas, isasama natin ang mga pasilidad tulad ng pet crematorium.
Ang pagmamahal at pag-aalaga sa ating mga alagang hayop ay hindi dapat matapos sa kanilang pagkamatay. Nararapat lamang na mabigyan din sila ng maayos at marangal na huling hantungan.
