Bitay ayaw buhayin

January 20, 2011

R. Miranda and D.Matining
Abante
January 20, 2011

Ibinasura ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III ang panukala ni Senador Juan Miguel Zubiri na muling buhayin ang death penalty dahil sa serye ng mga high-profile killings sa bansa nitong mga nakaraang araw.

Sa ambush interview, sinabi ni Aquino na bagama’t handa naman siya na pag-aralan kung saka-sakali ang nasabing bagay ay duda naman aniya siya sa ngayon kung perpekto ang judicial system sa bansa.

Dagdag ng punong ehekutibo, kung ibabalik ang death penalty sa ngayon na hindi naitutuwid ang ilang kapalpakan sa criminal justice system ay baka malagay sa alanganin ang mahihirap na akusado na walang kakayahan na kumuha ng magagaling na abogado kung kaya’t ito aniya ang pangunahing konsiderasyon niya kung bakit may agam-agam siya sa nasabing panukala.

Maging si Senador Farncis ‘Kiko’ Pangilinan ay tutol din sa panukalang ibalik ang death penalty, na nagsabi na hindi umano nakakatiyak kung matatakot nga ang mga kriminal sakaling ibalik ang parusang kamatayan.

Paliwanag nito, gaano man katindi ang parusa at kung kokonti naman ang nahahatulan at tumatagal ang paglilitis ng isang kaso, mananatili pa rin aniya ang pagtaas ng krimen sa bansa.

Samantala, sinabi ni Aquino na babalangkas ng multiple solutions ang awtoridad para maresolba ang serye ng mga pagpaslang sa mga car dealer at carnapping kung saan kumpiyansa umano siya na mareresolba ang mga kasong ito sa lalong madaling panahon.

View original post on Abante Online