Chicha ang kailangan, ‘di ChaCha

May 22, 2011

Dindo Matining
Abante Tonite
May 23, 2011

Pagkain at hindi Charter Change (ChaCha) ang kailangan ngayon ng taumbayan!

Ito ang tahasang sinabi kahapon ni administration Senator Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa gitna ng muli na namang paggiit ng ilang mambabatas hinggil sa pagbubukas ng usapin tungkol sa panukalang baguhin ang Konstitusyon o ang tinatawag na ChaCha.

Ayon kay Pangilinan, hindi napapanahon na mu­ling pag-usapan ang ChaCha dahil mas higit aniyang kailangan ng tao ngayon ang pagkain o nutrisyon at hindi ang usapin ng pagbabago ng Saligang Batas.

“Hindi na natin kaila­ngan ang ChaCha dahil ang kailangan ng taumbayan ay chicha o pagkain o nutris­yon,” anang text message ni Pangilinan kahapon.

Panawagan pa ni Pa­ngilinan sa mga kapwa nito mambabats, sa halip na magsagawa ng public consultations tungkol sa naturang usapin, mas mainam na pagtuunan na lamang ng pansin kung paano mareresolba ang kagutuman at kahirapan sa bansa.

“Sa halip na pulitika ang pag-usapan dapat pagkain at panggastos sa pang-araw-araw na pa­ngangailangan dapat pagtuunan ng pansin,” sabi pa Pangilinan.

Kamakailan ay hinirit ni Senador Edgardo Angara na muling buksan ang usapin ng ChaCha dahil ito raw ang tamang panahon para pag-usapan ito lalo na’t mag-iisang taon pa lamang ang termino ni Pangulong Benigno Aquino III.

Sa Kamara, itinakda na sa Mayo 27 gagawin ang unang public consultations kung saan target umano ng isasagawang pagdinig ng House Committee on Cons­titutional Amendments sa Mindanao na pulsuhan ang taumbayan sa panukalang pag-amiyenda sa Saligang Batas.

Sa panig ng Malacañang, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na hindi rin interesado sa ngayon ang Malacañang sa nationwide public consultations ng mga mambabatas hinggil sa usapin ng ChaCha.

“Hindi priority ng Palas­yo ang ChaCha at this point. Ating nakikita na dapat mag-concentrate tayo sa mga problema… and giving solution to those problems,” ayon kay Usec. Valte sa isang panayam sa radyo.

Sa halip umano na pag-usapan ang kontro­bersiyal na panukala, mas mahalagang tutukan muna ng gobyerno ang ibang mala­laking problema na kinakaharap ng samba­yanan.

 

View original post on Abante Tonite

 

 

 

×