Court ruling on Kian murder disproves nanlaban story, warning to EJK proponents: Kiko

“Tama na po, may test pa ako bukas.” Ayon sa mga nakarinig, ito raw ang pakiusap ng 17-anyos na si Kian Delos Santos bago sya barilin habang nakaluhod ng mga pulis. Sa harap ng Senado at ng taumbayan, mariing itinanggi ito ng pulisya. “Shoot out” daw ang nangyari. Nanlaban daw ang batang si Kian.

Ngayong umaga, nagwagi ang hustisya. Napatunayang guilty of murder ang mga pulis sa pagkamatay ng batang si Kian Delos Santos. Isang pagpapatunay na totoo ang karahasan ng ilang myembro ng kapulisan. Isang pagpapatunay na nagsisinungaling ang ilang alagad ng batas.

Binabati namin si Caloocan RTC Judge Rodolfo Azufena Jr., sa kanyang tapang at paninindigan. Hinahamon namin ang PNP na mas paigtingin pa ang pagsasaayos at pag-iimbestiga ng kanilang ranggo. Binabasag nito ang palusot na nanlaban, na kadalasang ginagamit ng mga otoridad para di managot sa mga pagpatay.

Warning din ito sa mga nagtutulak ng EJKs. At higit sa lahat, inuulit namin ang tanong simula pa noong 2016 — kailan pa sosolusyunan ang EJK?

Hindi man mababalik ng desisyon na ito si Kian, isa itong pagrespeto sa kanyang alaala. Isa itong panalo ng lahat ng nakaranas ng dahas sa ilalim ng rehimeng Duterte. Buksan na ang ating mga mata. Totoo ang mga karahasan.

Kasama tayo ng pamilya at mga kaibigan ni Kian para tulungan silang malagpasan ito hanggang sa huling hatol. Kahit papaano, ito ang magagawa natin para sa batang si Kian, siyang nagdulot ng siklab ng hustisya sa gitna ng kawalang-pananagutan ngayon.