DEKLARASYON NG KANDIDATURA PARA SA PAGKA PANGALAWANG PANGULO NI KIKO PANGILINAN

October 8, 2021

Magandang umaga sa ating lahat.

Kahapon ng umaga habang pinakikinggan ko sa telebisyon ang mensahe ni Ma’am Leni, nakakahiya mang aminin, ay hindi ko napigil ang mapaluha. Mapaluha dahil sa dalawang bagay. Una, mga luha ng agam-agam at pangamba dahil habang nagsasalita si Ma’am Leni, bigla kong naramdaman ang buong bigat at magiging pasanin ng landas na aming tatahakin tungo sa pamumuno sa isang bansang naghihikahos at gumagapang.  Pangalawang dahilan, mga luha ng pag-asa na sa pagdeklara ni Ma’am Leni ng kanyang pagtakbo para sa pagkapangulo. May pag-asang darating na ang tama, maayos at higit sa lahat ang mapagkalingang pagharap sa dalawang pinakamatinding problema natin ngayon, ang pandemya at ang gutom dala ng kawalan ng hanapbuhay o sapat na kita ng milyun-milyong pamilyang Pilipino.

Alam ng marami sa inyo na ang plano ko, tumakbo sa Senado. Hindi ko hinangad na tumakbong Pangalawang Pangulo.

Masaya na akong naghahanda sa darating na kampanya para sa Senado at kung palarin ay maipagpatuloy na isulong ang aking adbokasiya na suportahan nang husto ang ating mga magsasaka at mangigisda nang gumanda ang kanilang ani, bumaba ang presyo ng pagkain, at mawala na ang gutom sa ating mga pamilya.

Aaminin ko din, na isa ako sa napakarami nating mga kababayan na hiniling kay ma’am Leni at ipinagdasal na tumakbo siya bilang Pangulo. Naalala ko, April 15 nung taong ito, six months ago. Nagpadala ako kay Ma’am Leni ng text message na hinihiling sa kanya na tumakbo bilang Pangulo. Ang sagot nya sa akin noon, kung siya lang ang masusunod, mas gugustuhin nya yung serbisyong lokal at grassroots. Mas masaya siya na direktang nakakasalamuha ang mga kababayan natin. Dagdag pa niya: kung para sa kanya talaga ang tumakbong Pangulo, naniniwala siyang mangyayari iyon. Ika nga ni Ma’am Leni, if it is meant to happen, it will happen. Ang sagot ko naman sa text nya na may halong biro at kaunting udyok: ‘Sa gawain nyo, Ma’am, kelan ba ninyo inuna ‘yung kasiyahan nyo?’ Prayer emoji lang ang naging sagot nya. 

Matapos ang anim na buwang puno ng malalim na pagninilay, nagdesisyon si ma’am Leni na ihain ang kanyang sarili bilang kandidato sa pagkapangulo sa 2022. Ako naman ngayon ang hiniling ni ma’am Leni na sumabak din. Sa ganitong sitwasyon naisip ko na dahil isa ako sa mga nag-udyok sa kanya na tumakbo, at isantabi ang kanyang sariling kagustuhan, ngayon siya naman ang humihingi ng tulong, isantabi ko rin ang aking kagustuhan, baka kapag sinabi ko na mas masaya ako sa pagtakbo sa Senado, eh balikan niya sa akin yung sinabi ko six months ago… Eh sabi ko nga, wala akong kawala. No choice, ika nga.

Pero sa totoo lang, tinawag tayo ng tungkulin. Call of duty — hindi lang kay Ma’am Leni, hindi lang sa Partido, koalisyon o sa hanay ng mga supporters, pero sagradong tungkulin sa buong bansa.

Kung may pagkakataong makatulong sa mas marami; kung may pagkakataong maglingkod sa mas malawak na paraan; kung tatawagin sa mataas na katungkulan — tungkulin nating tumugon lalo na sa gitna ng pinakamatinding krisis sa kalusugan at ekonomiya ng bansa.

Ito ang tumakbo sa isip ko nung kinausap ko si Sharon at ang aking pamilya sa request ni Vice President Leni. Hindi madaling baguhin ang mga plano nang last minute. Ipinagdasal naman namin nang taimtim ang linaw ng puso at pag-iisip.

Mabigat na desisyon ito para sa akin at sa aking pamilya. Mabigat na tungkulin. Mas malaking hamon sa kampanya.

Pero ang naging kongklusyon ko: Mabigat nga ito, pero higit na mas mabigat ang pinagdadaanan ni Ma’am Leni at ng kanyang pamilya.

At sa totoo lang, pinakamabigat sa lahat ang pasan-pasan ng bawat nanay at tatay na nawalan ng trabaho at napuwersang mangutang sa tindahan, o manlimos, para lang makabili ng ulam para sa mga anak.

Mas mabigat ang dala ng bawat Pilipinong kumakalam ang sikmurang walang laman; na nauubos ang boses sa kakatawag sa lahat ng kakilala, naghahanap ng ospital na may bakante pang kama; na walang magawa kundi lumuha sa harap ng mga abo ng kamag-anak.

Alam natin ito dahil araw-araw may lumalapit sa atin. Nanghihingi ng kahit anong tulong na puwede nating ibigay. ‘Yan ang salita nila: wala kaming pambayad sa ospital, wala na kaming pinagkakakitaan. Nanghihingi sila ng tablet pang-eskuwela, ng gamot, ng bigas, ng pagkain. Ng pang-ospital ng anak, kapatid, nanay, tatay, lolo, lola nilang agaw-buhay sa COVID. Ng pangtubos sa mga namatay sa mga ospital, ng abuloy ng pambili ng kabaong o pambayad sa cremation dahil namatayan sila.

Araw-araw pilit nating ginagawa ang magagawa para tumulong. Dahil alam natin na ang mga taong ito, wala nang ibang pagkukunan at matatakbuhan. Dahil kapag humindi tayo, lalalim lang ang luha nila, lalo lang hihilab ang sikmura nila. Pilipino tayo. Kung may pagkakataong makatulong, hindi natin maaatim tumanggi. Walang ibang reresbak para sa isa’t isa kundi tayo ring mga kababayang Pilipino.

Kung meron akong isang napakahalagang natutunan sa gitna ng pandemya, ito ang katotohanang kailangan natin ang isa’t isa. Kailangan natin humugot ng tapang at lakas mula sa ating kapwa. Na sa pamamagitan ng ating pagtutulungan at pagdadamayan, sama-sama nating malalagpasan ang matinding pagsubok na ito. At darating din ang mas magandang bukas.

Kung alam natin kung gaano kalaki ang nakataya, tungkulin nating tanggapin — at harapin — ang anumang hamon. Tungkulin nating isantabi ang pangamba. Tungkulin nating maging matapang para sa ating mga anak at sa mga mahal sa buhay, at nawa’y ikalat ang katapangan na ito sa iba pa.

Tungkulin kong itulong ang kaya kong itulong. Tinanggap ko ang hamon na ito HINDI dahil sa katiyakan ng ating pagkapanalo, KUNG HINDI dahil sa katiyakan ng ating paninindigan at paniniwala.

Tinanggap ko, at ipaglalaban nang buong lakas, ang hamon bilang kandidato sa pagka-Pangalawang Pangulo, katuwang ni Pangulong Leni Robredo. Sa pamamagitan ng kanyang pamumuno at sa tulong ng mga kababayan nating handang tumaya, handang kumilos, handang makipagtulungan, maisasaayos  na natin sa wakas ang palakad ng gobyerno sa pagharap sa pandemya, at sa pagtugon sa laganap na sakit, gutom, at kawalan.

Nakita na natin ito at patuloy pa rin nating nasasaksihan ang pagtugon sa pandemya ng tanggapan ni Ma’am Leni. Tiyak na mas higit pa ang magagampanan niya bilang Pangulo ng ating pinakamamahal na Repulika.

Magbabago man ang landscape, lumaki man ang laban, hindi magbabago ang ipinaglalaban ko mula pa nung ako’y student leader sa UP hanggang sa ngayon. Ganito pa rin ako— at parehong mga prinsipyo at mga pangarap ang isusulong ko bilang Pangalawang Pangulo ninyo.

Ang pangarap ko para sa bayan: Sana all may trabaho at maayos na kita. Sana all may sapat na pagkain sa mesa. Sana all may bakuna. Sana all ligtas sa sakit. Sana all may sariling tahanan. Sana all makapagtapos ng pag-aaral.

Matagal na kaming magkasangga sa mga laban ni Ma’am Leni. Ilang taon na rin kaming ginigipit. Hindi kami nagpatinag — ang paniwala ko, iisa lang ang aming mga prinsipyo, hangarin, at pangarap para sa ating mga pamilya at sa bayan.

Halos sampung taon na rin ako na nagsasaka. Alam ito ng bawat magsasaka: Ang itinanim, kailangang alagaan.

Pero ang isa pang katotohanan sa pagtatanim: Sa huli, ang pinakamahalaga ay magtiwala.

Kapag nagawa mo na ang lahat ng kayang gawin; kapag nagsikap ka na at isinagad ang sarili para magtanim, magdilig, maglagay ng pataba, maglinis ng talahib — sa huli, ang pinakamahalagang sangkap, pananalig. Tiwala. Magtiwala na habang ikaw ay nagtatanim pa lamang  ay magbubunga ito ng masaganang ani. Magtiwala sa panahon; magtiwala sa kapaligiran; magtiwala sa isa’t isa, at magtiwala sa Diyos.

Nagtitiwala ako sa Diyos. Nagtitiwala ako sa sambayanang Pilipino — lalabas ang ating tapang, makahahanap ng lakas ng loob, makahuhugot ng liwanag ng puso, para iwaksi ang baluktot na pamamahala, at kapalit nito ay magtatalaga ng mga pinunong tapat at totoo, may puso at tibay, matino at mahusay.

Nagtitiwala ako. At nagpapasalamat din ako kay Ma’am Leni sa tiwala na iniatang sa atin, at kung mamarapatin ng Dios, Pangulong Leni Robredo. 

Salamat Ma’am sa iniatang ninyo hindi lamang sa akin kundi sa ating mga kababayan na kayo’y tumakbo. Tatakbo ako bilang Pangalawang Pangulo — para sa bayan, para sa mga anak ng bayan, para sa bawat pamilyang Pilipinong handang magtanim ng makabuluhang pagbabago, at handang sumama sa atin para diligan, alagaan, at palaguin ito.

Wala akong duda na sa pamamagitan ng ating sama-samang pagkilos, tayo’y magtatagumpay.

Mabuhay si Leni Robredo, ang ating magiging Pangulo. Mabuhay ang sambayanang Pilipino.