HK solons binara sa apology at kompensasyon

September 5, 2010

Boyet Jadulco
Abante Tonite
September 5, 2010

Sinupalpal kahapon ng dalawang senador ang kahilingan ng mga mam­babatas sa Hong Kong na humingi ng apology at bayaran ng ating gobyerno ang pamilya ng walong kababayan nilang namatay sa hostage-taking sa Quirino Grandstand noong Agosto 23.

Binigyan-diin ni Sen. Franklin Drilon na walang legal na basehan ang kahi­lingan ng Hong Kong le­gislators para sa kompensasyon ng mga nasawi sa hostage crisis.

Matatandaan na pinagtibay ng Hong Kong Legislative Council nitong Huwebes ang mosyon para pagbayarin ang Philippine government sa sinapit ng walong kababayan nila sa kamay ng hostage-ta­ker na si dismissed Senior Ins­pector Rolando Mendoza, bukod sa pagbibi­gay ng apology ni Pangulong Benigno Aquino III.
“Apology, yes if investigation shows incompetence or gross negligence. Compensation, no. Under international law or even Philippine laws, the state cannot be liable for the acts of its police or its agents,” paliwanag ni Drilon.

Idinagdag naman ni Sen. Francis Pangilinan na may mga legal na komplikasyon ang hinihinging danyos ng Hong Kong Le­gislature kung kaya’t hindi ito basta-basta maibibigay ng ating gobyerno.


“Nag-sorry na si PNoy, tama na ‘yun. Sa usapin ng danyos, kailangang pag-usapan pa ito dahil may mga legal na implikasyon na dapat ‘di basta binabalewala,” paliwanag ni Pa­ngilinan.

Nauna nang sinabi ni Sen. Gregorio Honasan na hindi siya pabor sa pagkakaloob ng kompensasyon sa mga biktima ng hostage crisis dahil sa makakabawas ito sa ating national pride.
Kinontra na ni Budget Secretary Florencio ‘Butc’ Abad ang kahili­ngan ng mga mambabatas sa Hong Kong, pero bukas umano sila sa pagbibigay ng donasyon para sa “solidarity fund” sa mga biktima.

View original post on Abante Online