Mariin nating kinokondena ang pagguho ng dike sa Sablayan, Occidental Mindoro na nagbaon sa 150 ektarya ng palayan sa ilalim ng graba at buhangin. Hindi lamang ito pagguho ng dike—pagguho rin ito sa kabuhayan ng mga magsasaka na umaasa sa bawat ani para sa kabuhayan ng kanilang mga pamilya at para sa seguridad sa pagkain ng bansa.
Dapat managot at magbayad ng danyos sa napakalaking pagkalugi ng mga magsasaka ang mga kontratista sa likod ng proyektong ito. Hindi puwedeng matapos lang sa paumanhin o pangako—dapat may pananagutan. Hindi maaaring ipaubaya sa ating mga magsasaka ang gastos ng kapabayaan.
Nananawagan din tayo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaan na ipaliwanag ang kanilang papel sa kalamidad na ito. Nasunod ba ang mga pamantayan sa construction? Nasuri at nasubaybayan ba ang proyekto nang maayos? Kung may kapabayaan o pagkukulang, dapat ding papanagutan ang mga ahensya ng gobyerno.
Isang masakit na paalala ang trahedyang ito: kapag nabigo ang pampublikong imprastraktura, palaging ang mga mahihirap at walang kapangyarihan ang nagbabayad nang husto. Hindi pwedeng palaging magsasaka at mga ordinaryong Pilipino ang laging nabibiktima.