KIKO: ‘GAWIN NATING VIRAL ANG HUSTISYA, INTEGRIDAD, AT KATAPATAN SA PANAHON NG KATIWALIAN’

Paano nga ba malalabanan ang ganap at malawakan na katiwalian sa bansa?

Nananawagan si Senador Francis “Kiko” Pangilinan na muling gawing “uso” o “viral” ng mga Pilipino ang hustisya, integridad, at katapatan sa paglilingkod sa bayan, at ang paniningil sa tiwali sa hanay ng gobyerno na siyang patuloy na nagpapahirap sa bansa. 

“Labanan natin ‘yun,” saad ng senador paukol sa mga sentimyento ng publiko na walang mananagot sa kasalukuyang imbestigasyon sa korapsyon sa flood control. 

“Gawin nating uso ang hustisya. Gawin nating viral muli ang integridad. Gawin nating uso ang katuwiran, gawin nating viral muli ang katapatan. Dahil sa panahon na matapang ang mga magnanakaw, dapat mas matapang ang tapat at totoo,” panawagan ni Pangilinan. 

Pinangunahan ng senador ang isang fellowship event ng Liberal Party—ang partidong pulitikal kung saan siya ang chairman—nitong Biyernes, Oktubre 14.

Ang event ay may temang “Kung Walang Korap, Walang Mahirap: A Fellowship on Integrity, Accountability, and the Continuing Fight for Good Governance”  at ginanap sa Avire Tower, P. Tuazon corner Lakandula, Cubao, Quezon City.

Sinabi ng senador na ayon kay dating Senate President Franklin Drilon noong hearing ng Senate Committee on Justice and Human Rights paukol sa paglikha ng isang Independent People’s Commission (IPC) na naging laganap ang “kakila-kilabot na nakawan” dahil sa impunity, o dahil walang napapanagot. 

“Pinauso kasi ang impunity, pinauso ang walang pananagot, pinauso na ang batas, para lang sa mga mahihirap, sa walang kapit, sa walang kapangyarihan. Pinauso na sa mayaman, sa nasa poder, pwede lahat ng kabalbalan,” dagdag ni Pangilinan. 

Bilang pagpapakita ng kanyang pagtupad sa pangakong mananatiling bukas at tapat sa kanyang sinumpaang tungkulin bilang senador, inilibas niya ang kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) kasama na rin ang kay Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima. 

Inanyayahan din ng senador ang lahat ng opisyal ng gobyerno na miyembro ng Liberal Party na maglalabas ng kanilang SALN, at kung mapatunayan na sila ay nakinabang sa pandarambong ay sila ay patatalsikin sa partido.