Nakababahala ang mga usapin sa posibilidad ng pagsuspinde sa pribilehiyo sa buwis ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nagpoprotesta at nagpapahayag ng saloobin sa mga isyu. Naniniwala ako na mas magandang harapin ang isyung ito na may patas na pagtingin at pag-unawa.
Ang mga OFW ang haligi ng ating ekonomiya. Ang kanilang pagsisikap at sakripisyo, kung saan sila’y nalalayo sa mga mahal sa buhay, ay nagsisilbing malaking kontribusyon sa pagpapatibay ng ekonomiya ng bansa. Mali at hindi makatarungan na pagbantaan silang aalisan ng kanilang pinaghirapang pribilehiyo dahil lang sa paggamit ng kanilang karapatan sa malayang pagpapahayag.
Bilang isang demokrasya, pinahahalagahan natin ang kalayaan sa pagpapahayag, at ang bukas na dayalogo ay importante sa mabuting pamamahala. Sa halip na supilin ang pagpapahayag nila ng saloobin, dapat nating pakinggan ang tinig ng ating OFWs dahil nagdadala sila ng mahalagang pananaw ukol sa mga realidad na hinaharap ng milyun-milyong Pilipino sa ibang bansa. Dapat pakinggan ang kanilang mga boses, hindi dapat patahimikin.
Ating tandaan na ang kalayaan sa pagpapahayag ay isang pangunahing karapatan na ginagarantiyahan ng ating Saligang Batas. Ang pagpapatahimik sa OFWs gamit ang banta ng lehislatura ay isang mapanganib na halimbawa. Paano kung sa hinaharap ay gamitin ito ng iba pang mga pinuno bilang sandata laban sa ating OFWs? Ito ay isang delikadong daan na maaaring humantong sa pagkasira ng mga karapatan at kalayaang pinaninindigan ng ating demokrasya.
Sa halip na pagbantaan ang mga OFW na naglalabas ng kanilang hinaing, dapat silang pakinggan ng pamahalaan. Ang kanilang mga karanasan at pananaw ay nagbibigay ng mahalagang kaalaman ukol sa realidad na kinakaharap ng milyun-milyong Pilipino. Pag-unawa at dayalogo, hindi pananakot, ang paraan tungo sa mas magandang kinabukasan para sa ating mamamayan.
Paggalang at pasasalamat ang nararapat para sa ating OFWs, hindi pagbabanta.
Sa hinaharap, atin sanang tutukan ang pagpapalakas ng suporta sa mga OFW at tiyaking patuloy nilang matatamasa ang proteksyon at pagkilalang nararapat sa kanila. Hindi matatawaran ang kanilang kontribusyon sa ating bayan, at tama lang na magsama-sama tayo para pangalagaan ang kanilang mga karapatan at kapakanan.
KIKO PANGILINAN ON THE THREAT TO SUSPEND THE TAX PRIVILEGES OF OFWS
March 28, 2025
