Ngayong Pandaigdigan Araw ng Pangingisda, nagbibigay-pugay tayo sa ating mga mangingisda. Sila na dugong-bumubuhay sa ating mga baybaying komunidad at nag-aalaga sa ating mga karagatan bagamat mahirap at mapanganib.
Pinaaalala sa atin ng trahedyang nangyari sa Bien Unido, Bohol noong Mayo na kailangang balansehin ang pagprotekta sa ating karagatan at sa ating mga maglalayag.,
Ilang taon na ring hinaharas ng dayuhang pwersa ang ating mga fisherfolk. Hinaharangan, hinahabol, wina-water canon sa sarili nating exclusive economic zone. Masahol pa, winawasak ng kanilang malalaking fishing vessels ang mga coral reef at tirahan ng marine life gamit ang cyanide at dynamite fishing sa pag-harvest ng giant clams.
Sa kabila ng mga pananakot na ito, kailangan natin ng mas malakas na pambansang proteksyon at mas mahigpit na pakikipagtulungan sa ibang bansa, lalo na sa mga kapit-bayan natin sa ASEAN. Kailangan natin ipagtanggol ang karapatan ng ating mangingisda at ang soberanya ng ating karagatan habang nagtutulungan sa pag-alaga ng ating marine resources.
Higit sa lahat, may pag-asa sa kalawakan at kasaganahan ng ating mga dagat. Sa pamamagitan ng sustainable management at community empowerment, maaring maging blue economy powerhouse ang Pilipinas. Hindi lang natin mapapakain ang lahat ng Pilipino ng masasarap na seafood, maibabahagi rin natin ang ating sagana at sari-saring yaman sa buong mundo.
Nawa’y magbigay inspirasyon ang World Fisheries Day na pangalagaan ang mga dagat at iangat ang buhay at kabuhayan ng mga umaasa dito, kung saan natutupad ang pangako ng laot.