LETTER TO THE EDITOR: IN REACTION TO BEN TULFO’S COLUMN, PILIPINO STAR NGAYON

June 23, 2017

Sa column ni G. Ben Tulfo (Maliit na bagay lang ang terorismo-LP; Pilipino Star Ngayon, June 16), inilarawan niya ang Liberal Party na “bobo” nang hindi binasa o inintindi ang ang posisyon ng partido.

Mahalaga ang papel ng media sa demokrasya. Sa oras ng kaguluhang tulad ng nangyayari sa Marawi, kailangan ang tama at beripikadong impormasyon, hindi mga opinyong walang basehan. Kritikal ang tungkulin ng mga miyembro ng media sa panahong ito. Dapat nagpapalinaw sila at hindi nagpapagulo sa isyu. Pahalagahan sana ni Tulfo ang kanyang tungkulin bilang mamamahayag.

Binaluktot din ni G. Tulfo ang mga argumento ni Rep. Edcel Lagman (Albay, LP) ukol sa deklarasyon ng martial law sa inihain niyang kaso bilang petitioner sa Korte Suprema. Sa tingin ni Rep. Lagman, sapat na ang kapangyarihan ng Presidente para puksain ang mga kalaban, at hindi na kailangan isailalim sa martial law ang buong Mindanao. Kinikilala ng Saligang Batas, gayon na rin ng LP, ang karapatan ng bawat mamamayan na magpahayag ng opinyon, pati na rin ang pagkwestiyon ng deklarasyon sa Korte Suprema.

Inuulit namin: Pinapahalagahan namin ang sakripisyo ng ating mga sundalo at mga pulis. Nasa kanila ang aming buong suporta. Seryoso ang problema ng terorismo. Buo at komprehensibo ang kailangang tugon dito.

Nag-aalala kami para sa mga kababayan nating taga-Marawi. Kaisa kami sa kanilang mithing matapos na ang labanan, para makabalik na sila sa kanilang mga tahanan at magbalik-normal na ang kanilang buhay. Tapusin natin ang usapin ng martial law sa lalong madaling panahon. Lahat tayo dapat nakatuon sa kapayapaan, relief, rehabilitation, at reconstruction.

REP. JOSE CHRISTOPHER “KIT” BELMONTE
Secretary-General
LIBERAL PARTY NATIONAL HEADQUARTERS

×