Maigting na ang gapangan

July 5, 2010

Jun Bautista
Abante Tonite
July 5, 2010

 

Pipiliin namin ang isang Senate President (SP) na titi­yaking mananatili ang “independence and integrity” ng Senado. Kung pasaring ito kay Sen. Kiko Pangilinan, ‘di ko alam. Pinagdiinan ito ni Sen. Edgardo Angara du’n sa aming Kapihan sa Senado, at binibigyan ng timbang ng media, dahil maliban sa tama ang kanyang pahayag, isa siya sa may malaking bloke ng mga senador. Pero bagama’t nasa kanya ang tinatawag ng “swing vote”, pinagdiinan niyang wala siyang ambisyon sa posisyon. Naging Senate Pres. na rin siya.

Kasama na ang kanyang sarili, mayroon daw silang 7 miyembro… sina Migz Zubiri, Greg Honasan, Tito Sotto, Lito Lapid, Bong Revilla, at Loren Legarda. Pero maaaring menos na muna si Loren, dahil susuporta ito kay Sen. Manny Villar kapag tumakbo rin siya bilang SP, ayon na rin kay Angara.

Ngayong si Sen. Kiko Pangilinan na ang naben­disyunan ng LP bilang kanilang kandidato sa pagka-SP, muli raw magpupulong ang grupo para sa kanilang desisyon. Nagpasabi rin kasi si Hona­san na kapag mu­ling nagkain­teres si Sen. Juan Ponce Enrile sa puwesto, ay susuportahan niya ito. La­bing-tatlong boto ang kailangang mabingwit ni Kiko.

Sa totoo, solid din ang grupo ni Villar… sina Pia at Alan Peter Cayetano, Miriam Santiago, Bongbong Marcos, Joker Arroyo, at baka nga si Legarda. Aapat naman ang LP… Pangilinan, Franklin Drilon, Ralph Recto, at ang baguhang si T.G. Guingona. Nauna ng nagsabi si Sen. Serge Osmeña na pabor siya kay Pangilinan, gayundin si Jinggoy Estrada. Pero tulad ni Gringo, kapag tumakbo raw si Enrile, Enrile si Jing­goy. At ano nga ba ang posisyon ni Enrile? Ayon kay Angara, nakipag-usap na sa kanya ang outgoing SP… one-on-one… pero ayaw niya munang sabihin sa media kung hinihingi nito ang suporta ng kanyang grupo.

Ang natitirang palaisipan ay si Sen. Chiz Escudero, na bagama’t ayaw pakita ang kanyang baraha ay malamang na pumabor din kay Pangilinan. Sobrang labo kasi ‘yong pipiliin niya si Villar. Ganito rin ang pananaw ng Senate media kay Enrile, kung ‘di na siya magpupursiging makaba­lik bilang SP. Alam na natin ang problema, sina Sonny Trillanes at Ping Lacson. Hindi sila puwedeng bumoto by “remote control” o by “proxy”. Kaya’t habang nakapiit si Trillanes, “invisi­ble” pa rin si Lacson, at bakante ang upuang naiwanan ni P-Noy, 21 lang ang senador nitong ika-15 Kongreso. 13 sa kanila ang ma­gic number na hihirang sa bagong Senate President.

Sa totoo, nagpakita nga naman ng kanyang “independence” ang Senado, mula pa nu’ng buhayin ito nang naibalik ni Tita Cory ang demokrasya. Naalala ko noon, na maski ‘yong malalapit na kaalyado ni Tita Cory ay hindi niya napasang-ayon na huwag munang sipain ang mga base-militar sa Subic at Clark. Naalala ko noong bumisita pa siya sa Senado, kasama si Speaker Ramon Mitra, upang kausapin si SP Jovito Salonga tungkol dito. Matagal din silang nag-usap sa tanggapan ni Salonga, na sarado sa media.
Nang matapos ang pag-uusap at inihayag ni Salonga ang paninindigan ng Senado tungkol sa U.S. ba­ses, hindi ko malimutan ang kanyang sinabi: “The Se­nate should always coo­perate with the Executive, but never be subservient…” 12 sa 23 na senador noon ang bumotong ibasura ang U.S. bases.

View original post on Abante

 

 

×