Mamalasin sila kay Enrile – Kiko

January 15, 2011

Boyet Jadulco
January 16, 2011
Abante Tonite

Nagbabala kahapon ang isang senador na mamalasin ang sinumang magha­hangad na mapatalsik sa puwesto si Senate President Juan Ponce Enrile.

Bagama’t itinuturing ng ibang senador na tsismis lang ang tangkang kudeta sa Senado, sinabi ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan na posibleng may grupong naglutang ng nasabing isyu upang masukat ang pulso ng mga senador sa posibilidad ng pagpapalit ng liderato ng kapulungan ngayong 2011.

“Dapat isipin ng mabuti ng mga nag-aambisyong palitan si JPE na maaaring lalo lamang mapasama sa mata ng publiko ‘yung mga nag-aambisyon dahil mukhang atat na atat makaupo ang mga ito kung sakali man,” maanghang na pananalita ni Pangilinan.
Sa mga naglabasang balita, sinasabing si Sen. Franklin Drilon ng Liberal Party (LP) at kapanalig ni Pangulong Benigno Aquino III ang papalit umano sa puwesto ni Enrile, pero mahigpit naman itong itinanggi ng una.

Naghangad si Drilon na maging Senate President bago magbukas ang sesyon ng 15th Congress noong Hulyo 2010 pero nagdesisyon ang LP na si Pangilinan na lamang ang maging kandidato ng partido bilang Senate President.

Nabigo naman si Pa­ngilinan na makuha ang 13 boto kung kaya’t nagtakbuhan sa likod ni Enrile ang mga senador na dating sumusuporta sa kandidatura ni Pangilinan.

View original post on Abante Tonite

×