ON MAYOR SARAH DUTERTE’S SOCIAL MEDIA POST

Nalulungkot tayo sa mga paratang sa atin ni Mayor Sara Duterte sa social media. Marunong din naman tayong tumanaw ng utang na loob sa mga tumulong sa atin sa halalan. Kasama na dito ang Davao City. At sa katunayan, ilang proyekto din ang nilaan natin sa Davao mula 2001 hanggang 2012 sa dalawang termino natin bilang senador.

Subalit ang tungkulin natin sa bayan at sa kapwa Pilipino ay mas matimbang sa anumang pagkakaibigan. May hangganan din ang tumanaw ng utang na loob.

At sa usapin na ambisyon ang nagtutulak sa akin para punahin ang administrasyon. Sa totoo lang, mas madali at may pakinabang sa nag-a-ambisyon ang tumahimik na lang at sumama sa agos. Marami sa Partido Liberal ang lumipat na sa PDP-Laban dahil sa ambisyon at sa pulitika. Dapat sana ganun din ako.

Subalit kahit sikat at popular ang ating Pangulo, hindi pa rin tama ang araw-araw na patayan lalo na ng mga bata at ang pagpapalusot ng tone-toneladang shabu sa Customs. Yan ang mga dahilan kaya tayo pumupuna.

Nauunawaan ko ang sitwasyon nang binabatikos sa pulitika. Halos dalawang dekada na rin akong naninilbihan bilang mataas na opisyal ng bansa. Masakit ang pinupuna at binabatikos ngunit ganyan ang demokrasya.