MESSAGE OF LIBERAL PARTY PRESIDENT SENATOR FRANCIS PANGILINAN ON EID’L FITR

Ipinagdiriwang natin ang Eid’l, ang pagtatapos ng Holy Month ng Fasting o Ramadan, sa panahon ng labanan.

Nasa ilalim ng martial law ang buong Mindanao. Patuloy ang putukan ng baril at pambobomba sa Marawi City. Dahil dito, libo-libong pamilya ang lumikas na, iniwan ang kanilang bahay at kabuhayan, at nagtitiis ngayon sa mga evacuation center.

Ang mga bakwit ay may sariling laban sa takot, gutom, sakit, init at lamig sa araw-araw nilang pananatili sa evacuation center, walang kasiguruhan kung kailan babalik sa normal na buhay.

Ang Eid’l Fitr ay isang pagdiriwang matapos ang isang buwang pag-aayuno, pagtitiis, paghahanap ng hangarin upang mapalapit kay Allah.

Sa panahong ito, nawa ay maisaisip at maisagawa natin ang kahalagahan ng pagkaka-ugnay-ugnay, respeto sa kapwa at pagtutulungan lalo na sa panahon na dumadaan sa matinding pagsubok ang ating pagkakaisa bilang isang lahi.

Gawin natin itong simula ng panibagong pag-asa, katatagan at katapangan upang labanan ang karahasan at mga pwersang nagbabanta sa ating kalayaan. Mangibabaw sana ang pangako ng pagmamahal at kapayapaan na dala ni Allah.

Eid Mubarak!