Mga bagong mukha sana

May 21, 2010

Harvey S. Keh
Abante Online
May 21, 2010

Hindi maipagkakaila na marami ang umaasa kay Senador Benigno “Noynoy” Aquino III na noong nakaraang linggo lamang ay nahalal bilang susunod na pa­ngulo ng ating bansa. Maraming binitiwang pangako si Noynoy kabilang na rito ang tuluyang pagsugpo ng katiwalian at korap­syon sa ating pamahalaan. Mil­yun-milyong Pilipino ang naniwala sa kanya kaya naman naging milya-milya rin ang laki ng kanyang pagkapanalo laban sa kanyang mga katunggali. Nahalal si Noynoy hindi dahil sa tulong ng iilang tao o grupo lamang, siya ay inihalal ng buong sambayanang matagal nang uhaw sa pagbabago sa ating bansa. Dahil dito, uupo si Noynoy nang wala masyadong utang na loob sa mga pulitiko o mga mayayamang negosyante kaya malaki ang pag-asa na ang pagsisilbihan ni Noynoy ay ang nakararami at hindi ang interes ng iilan lamang.
Sana nga ay pati sa pagpili ng mga miyembro ng kanyang gabinete ay magagaling at matitinong mga pinuno ang kanyang ilalagay sa puwesto. Huwag na sana ‘yung mga pulitikong alam naman nating walang ibubuga o kaya mga pulitikong alam naman nating magpapayaman lamang sa poder. Isa na sa mga magagaling na pinuno na sana ay mailagay sa puwesto bilang Kalihim ng Department of Interior and Local Government ay si Mayor Jesse Robredo ng Naga City. Nakapagtapos si Mayor Robredo sa tanyag na Kennedy School of Government sa Harvard University at sa kanyang 18 taon bilang mayor ng Naga City ay naiangat niya ang kalidad ng buhay ng kanyang mga kababayan. Tumanggap din si Ma­yor Robredo ng maraming parangal kabilang na rito ang Ra­mon Magsaysay Award for Government Service na isa sa mga pinakamataas na parangal na ibinibigay sa isang Asya­nong naglingkod ng tapat sa kanyang bayan. Sana ay piliin siya ni Noynoy para sa DILG.

Malakas din ang usapan na si Senador Francis ‘Kiko’ Pangilinan ay isa sa mga kandidato para sa pagiging Presi­dente ng ating Senado. Mabuti nga kung si Kiko ang ma­ging Presidente ng ating Senado para mabigyan naman ng bagong mukha ang institusyong ito. Ilang taon ko na ring kilala at nakasama si Kiko at wala akong masabing hindi maganda tungkol sa kanya. Sa kanyang 9 na taon sa Senado, ipi­naglaban ni Kiko ang karapatan ng mga kabataan at isinulong ang kalidad na edukasyon para sa bawat Pilipino. Bukod pa rito, kahit na siya ay isang senador, simple at payak pa rin ang pamumuhay ni Kiko at ng kanyang pamilya, hindi gaya ng marami sa gobyerno na halatang nagpayaman lamang sa poder. Sigurado akong magiging maayos ang patakbo sa ating Senado kung ang isang marangal, mabuti at magaling na si Senador Kiko Pangilinan ang magiging susunod nating Senate President.

View original post on Abante Online

×