MGA TANONG NG MGA SENADOR SA OPPOSISYON TUNGKOL SA BANTANG IPATAW ANG REVOLUTIONARY GOVERNMENT (SENATORS AQUINO, PANGILINAN, AND TRILLANES)

October 15, 2017

1. Ano ba itong fino-float na revolutionary government? Hindi ba ito isang tawag lang sa masahol na diktadura?

May basehan ba ang pagtatatag ng revolutionary government sa mga batas, maging sa Saligang Batas na sinumpaan nating mga lingkod-bayan na ipagtanggol at ipatupad?

Sa isang revolutionary government, isasarado ba ang Kongreso? Kung ipipilit, hindi ba paglabag ito sa Konstitusyon at pagtalikod sa sinumpaang tungkulin?

2. Kailangan ba nating mga Pilipino ang isang revolutionary government na magbibigay pa ng mas malawak na kapangyarihan sa Pangulo?

Di ba sobra nang makapangyarihan ang Pangulo: kontrol sa lahat ng kagawaran sa Executive, kabilang ang pulis at military; supervision sa lahat ng local government units; magtalaga ng libo-libong tao sa gobyerno; at kung anu-ano pa?

Kumpara sa kapangyarihan ng Kongreso at Hukom, di ba mas malawak ang sakop ng Executive? Sa budget pa lang, di ba higit 95% ang napupunta sa sangay na pinamumunuan ng Pangulo?

3. May destabilization ba talaga? O base lang sa sabi-sabi o sa guni-guni? Di ba ang pagpuna sa mga maling patakaran ng pamahalaan ay kalayaan ng bawat Pilipino?

4. Kaya naitatanong natin, bakit intriga ang inaatupag? Di ba mas maigi pa, isantabi na muna ang mga yan at magtrabaho para sa ikabubuti ng bayan? Pansin niyo ba, sobrang trapik pa rin at pataas ng pataas ang mga bilihin — krudo, bigas, at pamasahe?

×