Oil firms mga kriminal- Kiko

October 21, 2010

Malou Escudero
Pang-Masa
October 21, 2010

Maituturing na mga kriminal ang mga may-ari ng kumpanya ng langis na nagpapatupad ng oil price hike gayung may kalamidad.

Ito ang sinabi ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, kaya’t dapat anya na magkaroon ng batas na magbabawal sa mga kumpanya ng langis na magtaas ng presyo ng kanilang produkto.

Inihalimbawa ni Pangilinan ang nangyaring pagtaas ng presyo ng langis habang may mga lugar na sinasalanta ng bagyo na dapat sana ay hinintay muna ng mga kompanya ng langis na makabangon ang mga lalawigan na sinalanta ng bagyo bago nila ipinatupad ang oil price hike.

“Hindi pa nga nakakaalis ang bagyong Juan sa bansa at lugmok pa ang ating mga kababayan dahil sa pinsalang dulot nito, ay naiisip pa nitong mga kumpaya na magtaas ng presyo? Maawa naman sila sa taumbayan,” sabi ni Pangilinan.

Naniniwala ang senador na dapat nang magkaroon ng batas na magbabawal sa pagtaas ng presyo ng langis habang kalamidad.