Pahayag ni dating Senador Kiko Pangilinan sa pagpanaw ni Pope Francis

April 21, 2025



Tayo ay taos-pusong nakikiisa sa sandaigdigang pagdadalamhati sa pagpanaw ng pinakamamahal nating Santo Papa, Pope Francis.


Sa panahon ng matitinding pagsubok at kaguluhan sa mundo, siya ang naging tinig ng awa, habag, at pag-asa. Sa kanyang pamumuno, ating nasaksihan ang isang Simbahang muling yumakap sa mga nagsusumikap sa buhay, nagbigay ng boses sa mga naaapi, at naglatag ng daan tungo sa pagkakaisa at kapayapaan.


Nagpapasalamat kami sa biyaya ng kanyang buhay—isang buhay na inalay sa paglilingkod, pagkakawanggawa, at tunay na kababaang-loob. Sa kanyang halimbawa, nakita namin kung paano maging isang mabuting lider: bukas ang puso, may tapang na magbago, at laging handang magmahal.


Pope Francis, salamat sa lahat. Hindi kailanman mawawala ang iyong alaala sa puso ng sangkatauhan.