“Di raw nakakain ang demokrasya. Sabi ko naman, ang tunay na demokrasya, nagpapakain sa lahat. Madalas, may pa-sharon pa.
Sa tunay na demokrasya, may upuan ang lahat sa hapag ng kapangyarihan dahil may pantay na karapatan ang lahat makasalo (equal rights and people participation). Dahil lahat kasalo, madalas maingay ang demokrasya. Yung ingay—maging ang kaayusan (rule of law), ang patas at malayang halalan (free and fair elections), at ang pananagutan ng nasa kapangyarihan (accountability)—senyas ng malusog na demokrasya.
‘Pag abusado ang pinautang ng taumbayan ng kapangyarihan, ‘pag hinudas ang tiwala, minsan natataob ang hapag ng kapangyarihan. ‘Yan ang tingin kong nangyayari sa Nepal at sa Indonesia. Pati ang mga protesta natin ngayon kontra sa flood-control scandals, paniningil.
Tulad nga ng sabi ng anthem of resistance ng Chile noong 1970s, “El pueblo unido, jamás será vencido.” The people united can never be defeated. Walang pwersang pulitikal na hihigit pa sa pwersa ng taumbayan na tumitindig, kumikilos, at tumataya tungo sa tunay na pagbabago.
Sa tunay na demokrasya, na siyang binabaka natin araw-araw, lahat may ambag, lahat kumakain.