PAHAYAG NI SENATOR FRANCIS “KIKO” PANGILINAN SA ARAW NG KALAYAAN

Ipinagdiriwang natin ngayon ang Araw ng Kalayaan na pagod ang katawan pero puno ng pag-asa ang puso.

Pagod dahil ang ating lupang hinirang, patuloy na niyayanig ng kalamidad. Ang ating perlas ng silangan, patuloy na ginigipit ng mga dayuhang barko at ng mga korap na lingkod-bayan.

Pero ang bayan kong magiliw, umaasa, umaawit, at nagsisikap pa rin.

Ang ating kalayaan, binayaran ng dugo ng ating mga ninuno na namatay nang dahil sa ’yo — dahil sa atin na kanilang kinabukasan. Ngayon, binabayaran natin ito ng pawis at buwis.

Ang kasarinlan, parang pagbukod sa bahay ng magulang. Hindi puro saya, meron ding renta, mga bayarin, at mga responsibilidad. Mahirap, pero sa kasarinlan tayo umuunlad bilang tao, bilang bansa.

Patuloy nating isabuhay ang kalayaan sa ating pagbabayanihan tuwing may sakuna, sa ating paninindigan laban sa mga nang-aapi sa ating karagatan at laban sa mga manloloko sa loob ng ating sariling bayan, at sa patuloy na pag-alab ng puso para sa isang lipunang makatarungan para sa lahat ng Pilipino.