Pangilinan Nanawagan ng Tulong Para sa Magsasaka Matapos Salantahin ng Habagat

August 21, 2016

MANILA – Sa pinakahuling paghagupit ng habagat na nagdulot ng P 280.9 milyong pinsala sa mga pananim, nanawagan si Senador Kiko Pangilinan ng tulong para sa mga apektadong magsasaka, partikular ang agarang pamamahagi ng calamity assistance, crop insurance, at mga climate resilient seeds.

habagat agri1

“Agaran dapat ang pag-release ng calamity assistance para makapagtanim muli ang ating mga magsasaka. Pag nagtanim sila sa mas lalong madaling panahon, mas mabilis silang makakatayo sa sariling paa at makaka-recover. Ang agarang ayuda ay mangangahulugan ng mas mabilis na pagbangon muli,” sabi ni Pangilinan, na Chairman of the Senate Committee on Agriculture and Food.

Tinukoy ni Pangilinan ang mga datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at binanggit na ang agrikultura ang labis na tinamaan ng pinsala na aabot sa P280,877,989.38 o 98.9 porsyento ng kabuuang P283,993,989.38 na pinsala. And ibang bahagi ng pinsala ay sa imprastraktura.

Sa kanilang August 20, 2016 situation report, sinabi ng NDRRMC na P14,246,030.42 na relief assistance ang nabigay na sa mga apektadong pamilya sa Regions 1 (Ilocos Region), 3 (Central Luzon), Negros Island Region, National Capital Region, at Cordillera Autonomous Region.

“Yan ay 5 porsyento lang ng pinsala. Yan ay napakaliit,” sabi ng senador.

Ayon kay Pangilinan, kailangan nang ayusin ang sistema ng crop insurance ng bansa para mas maraming magsasaka ang makinabang, at matukoy ang mga magsasakang apektado ng mga pinsala.

“Dapat na ring ilabas ng mga siyentipiko ng International Rice Research Institute ang mga climate resilient seeds o mga binhi na matatag laban sa masamang panahon na kanilang natuklasan,” ani Pangilinan.

Ayon sa parehong report ng NDRRMC, ang pananalasa ng habagat mula Agosto 8 ay tumama sa Regions 1 (Ilocos Region), 3 (Central Luzon), Cordillera Autonomous Region (CAR), and National Capital Region (NCR).

“Marami sa ating nasa Maynila ang naperwisyo ng habagat. Binaha tayo. Walang pasok ang mga bata. Nagkakasakit tayo. Pero para sa ating mga magsasaka sa hilaga ng Maynila, kabuhayan ang nawala,” ani Pangilinan.

Sinabi rin ng NDRRMC na nakapagtala ng 19 na patay, 12 ang nasaktan, at 7 pa ang nawawala sa Regions 3 (Central Luzon), Calabarzon (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon), Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan), NCR, at 6 (Kanlurang Bisayas).
“Alam po natin ang paghihirap na dinaranas ng ating magsasaka tuwing nasasalanta ng mga sakuna. Madalas hindi na sila nakakabangon pagkatapos masalanta, nababaon sila sa utang sa mga usurero. Kailangang mas maayos ang ating crop insurance para sa mga magsasaka, na pinakamahirap sa ating lipunan bagamat sila ang nagpapakain sa atin,” sabi Pangilinan.

Kailangang maghanda na ang pamahalaan sa La Nina, na ayon sa PAGASA ay bahagyang mararanasan sa bansa mula Setyembre, dagdag niya.

Ang La Nina, na inilalarawan na mas matinding ulan, ay nagdudulot ng pagbaha sa mabababang taniman, matinding pinsala sa mga pananim, pagtaas ng kaso peste at sakit, at pag-guho sa mga baybayin dahil sa malalakas ng malalakas na alon at pagbaha, at iba pa.

×