Resbak ni Robles sinalag ni Pangilinan

February 9, 2011

Boyet Jadulco
Abante
February 10, 2011

Umalma si Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan sa pa­tutsada ni ret. Navy Commodore Rex Robles na bulok at kurakot din ang mga miyembro ng Senado.

“Lahat ng institusyon masasabi natin na may bulok na itlog, ngunit hindi tamang sabihin na lahat ng nasa institusyon ay bulok,” pagdidiin ni Pangilinan.

Kahapon ng umaga ay sinabi ni Robles sa isang programa sa GMA-7 na nasuhulan si ret. Lt. Col. George Rabusa upang idawit si dating Defense Sec. Angelo Reyes sa “pabaon”, “pasalubong”, payola at sa iba pang katiwalian sa Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sinabi pa ni Robles na walang karapatang mag-imbestiga ng katiwalian ang Senado dahil lahat ng mga miyembro nito ay bulok at kurakot din.

Dumistansya naman si Sen. Antonio Trillanes IV sa paratang ni Robles, sa pagsasabing dalawang buwan pa lamang siyang nagtatrabaho sa Senado simula nang makalaya noong Disyembre bago naaprubahan ang kanyang amnesty application.

View original post on Abante Online

×