Rizal Day Message of Senator Kiko Pangilinan

December 29, 2016

joserizalWala pang 25 ang edad ni Ka Pepe nang isulat niya ang Noli Me Tangere, ang nobelang naglantad sa mapaniil at katawa-tawang kalagayan ng mga Pilipino noong ika-19 na siglo. Parang ‘millennial’ din siya noong panahon niya. Millennial na may pakialam.

Manunulat, manggagamot, at guro si Ka Pepe. Di pa naiimbento ang kataga, multi-tasker na siya. Marami ang galit sa kanya noon. Tinawag siyang ipokrito, maramdamin, at rebelde. Pero tinuloy lang niya ang mga gawaing sa tingin niya’y dapat niyang gawin para sa bayan.

Ngayon, 120 na taon na mula nang barilin siya sa Bagumbayan dahil sa kanyang panulat, panggagamot, at pagturo. Higit sa pagkabayani niya sa kamatayan, bayani siyang nabuhay.

Hindi dapat mamatay para ituring tulad ni Ka Pepe. At araw-araw may tumutugon sa pagtawag ng kabayanihan, hindi lang ang mga makabagong bayaning OFW natin. Marami rin ang bayaning narito lang sa Pilipinas at sinasagot o pilit sinasagot ang hamon ng kahirapan at di pagkakapantay-pantay. Nag-mu-multi-task din, lalo na ngayong kapaskuhan: mga nanay at tatay, ate at kuya, tito at tita, at minsan lolo at lola at bunsong tumatanggap ng sideline o raket para mairaos o mapaligaya ang mga mahal sa buhay. At kahit nahihirapan na o tinatawag pang tamad o tanga o tard, dinadaan na lang sa ngiti o awit o biro.

×