NEW YEAR’S MESSAGE OF SENATOR FRANCIS PANGILINAN

senator-francis-kiko-pangilinanBakit ba natin ipinagdiriwang ang bagong taon? Nakalipas lang naman ang 365 na araw. Ano’ng ipinagkaiba ng ika-1 ng Enero sa ibang araw? Isang karaniwang araw lang din ito, kung tutuusin.

Dahil ang bagong taon ay nagpapahiwatig ng pagkalipas at panimula.

Maraming nangyari sa atin nitong 2016 — hindi lang sa ating bayan, kundi sa sanlibutan. Maraming inidolo natin ang pumanaw. Maraming hindi inaasahan ang nangyari lalo na sa pandaigdigang pulitika. Ang ni hindi ko inakalang mangyayari kailanman pagkatapos nating patalsikin ang isang diktador noong EDSA People Power ay nangyari.

Ang bagong taon ay pagkakataong magtasa at magplano — bilang lingkod-bayan at mamamayan, bilang anak at kapatid, bilang asawa at ama, bilang tao. Tinuro sa akin ng pagsasaka na lahat ay umaayon sa panahon. Minsan talaga babagyuhin ka, dadapa ka, susubukan ang iyong tatag, pero magtatanim at magtatanim ka pa rin kasi iyon ang trabaho mo.

Sa darating na 2017, magtanim tayo, hindi ng sama ng loob, kundi ng kabutihang loob na dulot ng pag-asa at pagmamahalan.

Maligayang Bagong Taon sa ating lahat!