Nakikiramay ako sa mga pamilya ng mga nasawi, nasugatan, at na-trauma sa pamamaril na patuloy pang iniimbestigahan sa Banga National High School.
Nananawagan ako ng mabilis, masinsin, at angkop-sa-batas na imbestigasyon, gayundin ng agarang tulong medikal at psychosocial, at pangmatagalang suporta para sa bawat estudyante, guro, at pamilyang naapektuhan.
Nanawagan ako sa pulisya na ganap na ipatupad ang batas, kabilang ang Juvenile Justice Act. Hindi pinapalampas ng batas ang anumang maling ginawa; tinitiyak nito ang pananagutan sa pamamagitan ng ligal at angkop-sa-edad na mga hakbang.
Sabi nga, “it takes a village to raise a child.” Kailangan ng isang buong komunidad para mapalaki at maprotektahan ang bawat bata.
Kailangan nating lahat kumilos agad para maiwasan ang karagdagang pinsala, kabilang ang posibleng mga paggaya sa ganitong karahasan.
Kailangang palakasin ng mga paaralan, magulang, komunidad, lokal na pamahalaan, at mga pambansang ahensya ang maagap na pagtugon, mga paraan ng pag-uulat, mental health care, seguridad sa mga paaralan, at responsableng paggamit ng online platforms. Isang agarang hakbang tungo rito ang malapit nang maipasa ng Senado na Comprehensive School Safety Act.