SEN KIKO: LUTASIN ANG PAGPASLANG KAY JUDGE WEE SIT, O PATUNAY NA BULOK ANG PH JUSTICE SYSTEM

“Taos-pusong pakikiramay sa pamilya, mga mahal sa buhay, at mga kasamahan ni Judge Joseph M. Wee Sit ng Regional Trial Court, Branch 2, sa Isabela City, Basilan.

Batang-bata si judge. Mag-39 years old sana siya next week, November 21, at mahigit isang taon pa lamang sa hudikatura.

Mariin kong kinokondena ang pagpaslang sa kanya.

Ina-ambush nitong pag-atake sa kanya ang kalayaan at tungkulin ng hudikatura na itaguyod ang katarungan. Ina-ambush din nito ang karapatan ng karaniwang Pilipino na makahanap ng katarungan sa ating criminal justice system nang walang takot.

Ganap na ipatupad ang Judiciary Marshals Act na ipinasa noong 2022

Nanawagan ako sa mga awtoridad na magsagawa agad ng masusi at masinsing imbestigasyon. Tukuyin, hulihin, at papanagutin hindi lamang ang mga bumaril kundi pati ang sinumang nag-utos, nagpondo, o tumulong sa krimeng ito.

Kung makakatakas sa batas ang mga pumatay sa isang hukom, ano’ng katiyakan ang maibibigay natin sa mga karaniwang Pilipino na mapoprotektahan tayo at makakamit natin ang katarungan?

Kapag naging isang statistic ang kaso ni Judge Wee Sit, lalo lang didiin sa taumbayan ang paniwalang bulok ang ating sistema ng hustisya, na hindi ligtas kahit ang mga mataas na tao.”