SEN. KIKO PANGILINAN’S STATEMENT FOR NINOY AQUINO DAY

‘Para kay Ninoy, mas mabigat ang mawalan ng bayan kaysa mawalan ng buhay’

Bawat ika-21 ng Agosto, may tanong akong binabalikan: Hanggang saan ba tayo handang lumaban para sa ating bayan?

Alam nating lahat ang kwento ni Ninoy. Umuwi siya kahit alam niyang delikado, dahil mas mabigat para sa kanya ang mawalan ng bayan kaysa mawalan ng buhay. Dahil sa sakripisyong iyon, nagkaroon tayo ng landas papunta sa EDSA, sa pagbagsak ng diktadura, at sa demokrasyang tinatamasa natin ngayon.

Pero hindi lang para sa paglaya mula sa diktadura inalay ni Ninoy ang kanyang buhay. Inalay Rin niya ito para sa pangarap na makita tayong tunay na malaya — malaya sa gutom, sa hirap, sa pang-aalipusta ng mga mas malalaking bansa, at sa pagiging biktima ng laganap na fake news.

Kaya naman ang paggunita sa kanya ay hindi dapat nalilimitahan sa pag-alala o sa pagbisita sa monumento. Kailangan nating isabuhay ang sakripisyo niya, hindi lang tuwing August 21, kundi araw-araw. Dahil ang labang hinarap ni Ninoy noon ay laganap pa rin ngayon: mga ganid sa kapangyarihan at pang-aabuso sa karapatang pantao.

Kaya naman ngayong araw, hindi sapat ang pag-alala lamang. Kailangang kumilos. Sama-samang tumindig ang malawak na hanay ng mga Pilipino. Papanagutin ang mga mapang-abuso. At higit sa lahat, ilagay natin ang kapakanan ng bawat Pilipino higit sa anumang personal o pulitikal na interes.

Naniniwala pa rin ako sa pangarap ni Ninoy — isang Pilipinas na tunay na malaya at masagana. Hindi pa tapos ang laban, pero patuloy tayong lalaban. Iyan ang pinakamagandang parangal na maisusukli natin sa kanya.