Hinihikayat natin ang Philippine National Police na i-exercise ang maximum tolerance at igalang ang karapatan ng bawat Pilipino na magtipon nang mapayapa at malayang ipahayag ang kanilang saloobin. Dapat na magkasabay ang pagpapanatili ng public order at pagprotekta sa mga batayang kalayaan ng mamamayan.
Parehong Pilipino ang ating mga pulis at ang mga nagpoprotesta. Parehong may mga pamilyang nag-aalala sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, disenteng kabuhayan, ligtas na komunidad, at mas magandang kinabukasan para sa ating mga anak. Hinihiling natin sa ating mga pulis na kilalanin ang shared aspirations at harapin ang mga mapayapang nagpoprotesta nang may pang-unawa, restraint, at paggalang.
Sa pagdating ng mga lider at panauhing mula sa iba’t ibang bansa, ipakita natin na may lugar ang pagtutol sa ating demokrasya. Hindi dapat ikahiya ng ating bansa ang mapayapang mga protesta. Sa halip, pagkakataon ito upang ipakita sa mundo na gumagana ang demokrasya sa Pilipinas — malayang nakapagsasalita ang ating mga kababayan, napakikinggan ang magkakaibang pananaw, at pinoprotektahan ng mga awtoridad ang mga kalayaang ito.
Panatilihin nating ligtas ang lahat habang tinitiyak na may puwang ang bawat Pilipino para marinig ang kanilang boses.
