SENATOR FRANCIS “KIKO” PANGILINAN’S STATEMENT OF SUPPORT FOR FARMERS’ CALL FOR PALAY FLOOR PRICE

Mahigit isang buwan na ang rice import ban,  pero patuloy pa rin ang pagdaing ng ating mga magpapalay. Mababa pa rin ang bentahan ng kanilang ani. Kulang na kulang na pambayad sa lahat ng inutang para makapagtanim. Wala pa ang sariling pangkain. 

Kailangan nating magpatupad ng mga hakbang upang matulungan ang ating mga magpapalay. Isang malaking solusyon ang magtakda ng floor price para sa palay, na dapat ipatupad sa lahat ng pagbili ng gobyerno, kasabay ng pagpapatupad ng Sagip Saka Act (Republic Act No. 11321). Ang batas na ito ay nagpapahintulot sa mga pambansang ahensya at lokal na pamahalaan na bumili nang direkta mula sa mga magsasaka at mangingisda ng kanilang mga pangangailangan sa pagkain.

Taon-taon, sa tantya natin, tone-tonelada ang binibiling bigas ng DSWD, DOH, at DepEd para sa kanilang mga programa. Sa 2025 budget ng DILG lang, may higit ₱278 million nakalaan para sa rice subsidy. Kung isasama pa natin ang pagbili ng bigas ng iba pang ahensya at ng mga LGU, malaki-laki na ring halaga ito—na kung ipapatupad ang Sagip Saka Act, ay halagang mapupunta direkta sa bulsa ng ating mga magpapalay. 

Kaya naman nananawagan tayo na kasabay sa pag implementa ng Sagip Saka Act ang pagtatakda ng palay floor price, kasunod din ng mungkahi ng Amihan, KMP, Federation of Free Farmers, at National Farmers’ and Fisherfolks Movement (NAMANE), o mas mataas pa (depende sa budget)—sa lahat ng rice procurement ng mga ahensya ng pamahalaan. Ang mahalaga sa hakbang na ito ay masiguro natin ang kita ng mga magpapalay.

Kung makakapagtakda tayo ng tamang presyo para sa mga nagpapakain sa atin, makatitiyak tayo ng dalawang bagay: una, ang kinakailangang tulong para sa mga tao sa kanilang mga pangangailangan; pangalawa, ang patuloy na kabuhayan ng ating mga magpapalay.