SENATOR FRANCIS “KIKO” PANGILINAN’S STATEMENT ON 10TH ANNIV OF ARBITRAL RULING VICTORY ON WPS

Noong Mayo 14, isang araw matapos ang shooting sa Senado, nagtungo tayo sa Pag-asa Island — frontline island-barangay ng Kalayaan Island Group, bahagi ng maagang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng ating makasaysayang tagumpay sa arbitral ruling sa West Philippine Sea.

Nagdala tayo ng mga suplay at buháy na patunay na ang kalayaan at pag-asa ay hindi lamang mga abstraktong konsepto, kundi mga pasyang pinipili nating isabuhay araw-araw.

Sa Kalayaan Island Group, nasaksihan natin kung paano matatag na binubuo ng ating mga kababayan ang kanilang buhay sa bingit ng panganib, at kung paano nila ginagawang isang pamayanan, kabuhayan, at tahanan ang mga bahura at karagatan.

Sa pagbisitang iyon, sa tulong ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ng iba nating mga partner, tumulong tayong magtatag ng mga salt bed sa Pag-asa Island upang ang isang pamayanang dating umaasa sa mga padala ng asin mula sa Palawan ay makapag-ani na ngayon ng sarili nitong pampalasa.

Pinapakita ng simpleng gawaing ito — magkakasama ang tubig, sikat ng araw, at mga kamay ng tao — kung ano ang posible. Na balang araw, ang asin mula sa Pag-asa ay makikilala sa buong Pilipinas. Magiging tahimik na patunay ang asin na ito na hindi isinusuko ng mga Pilipino ang ating mga karagatan.

Sa halip, ipinagtitimpla sa pagkain at ipinagtataguyod sa pamilya nang may pag-asa at kalayaan. Na pwedeng balang araw ay buong pagmamalaking maipagbili bilang Asin ng Pag-asa o Asin ng Kalayaan.

Ngunit ang pag-asa, hindi bulag sa katotohanan. At ang kalayaan, hindi basta na lamang ibinibigay.

Sa Pag-asa, nakausap natin ang isang mangingisda na umaming sa tuwing pumapalaot, nakakaramdam siya ng matinding pangamba. Nakaabang sa abot-tanaw ang mga barko ng Chinese maritime militia, at ang dati niyang pamilyar na pangisdaan, ginagawang panakot laban sa kanya.

Alam niyang nasa panig natin ang batas. Ngunit dahil sa mga dayuhang sasakyang-dagat, pinapaalala rin sa kanya na ang mga tagumpay sa batas, kailangang tumbasan ng tapang at kahandaang ipaglaban ang ating karapatan.

Ngayong ika-10 anibersaryo ng panalo natin sa arbitral tribunal, sumasaludo tayo sa kanya at sa bawat residente ng Pag-asa at ng Kalayaan Island Group. Sa ating mga kababayang tahimik na ipinagtatanggol ang Republika sa simple ngunit pambihirang pasya na tumira sa isla.

Ang hamon natin sa lahat ng Pilipino: Ipakita natin ang ating pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pagkilos. Bumisita. Sumuporta. Mamuhunan. Mag-organisa. Bumoto. Magturo. Ipagtanggol.

Ipagdiwang natin ang tagumpay na ito sa batas: Tumulong sa paglikha ng mga kabuhayan, ikwento ang kasaysayan ng Pag-asa at Kalayaan, at tiyakin na wala ni isang Pilipinong mangingisda ang muling makararamdam ng pag-iisa sa dagat.

Simula pa lamang ang ating tagumpay sa The Hague. Darating ang tunay na tagumpay kapag ang ating mga kababayan ay malaya at walang takot na nakakapamumuhay, nakakapangisda, at nakakapangarap sa West Philippine Sea; kapag ang Pag-asa at Kalayaan ay hindi na lamang mga pangalan ng mga isla, kundi isang katotohanang isinasabuhay ng bawat Pilipino.

Mabuhay ang Pag-asa! Mabuhay ang Kalayaan! Atin ‘to!