Ngayong National Fisherfolk’s Day, nagbibigay-pugay tayo sa ating maliliit na mangingisda, mga bayani na araw-araw na naghahain ng pagkain sa ating mga hapag at nagbabantay sa ating mga karagatan.
Ngunit sa panahong ito, dalawang daluyong ang kanilang hinaharap: Una, ang pagpasok ng dambuhalang commercial fishing vessels sa loob ng 15-kilometer municipal waters na dapat sana’y nakalaan para sa kanila lang. Ikalawa, ang nagbabantang super El Niño na magpapahirap lalo sa pangingisda, magpapaliit ng huli, at magdadagdag ng panganib at pangamba tuwing paglalayag.
Ngunit may mga hakbang na maaari at dapat nating gawin: Mahigpit nating ipatupad ang proteksiyon sa 15-kilometer municipal waters. Maglaan tayo ng ayuda sa krudo at kabuhayan para sa mga mangingisda. Palawakin ang insurance para sa pangingisda at agarang tulong-pinansyal kapag may sakuna. Palakasin ang sistema ng mga babala at paghahanda sa panahon. Pangalagaan ang ating mga bakawan, bahura, at baybayin, at suportahan ang mga programang pinangungunahan mismo ng mga komunidad upang gawing mas matatag ang sektor ng pangisdaan laban sa climate change.
Piliin nating tumindig kasama ng ating mga mangingisda — bilang pamahalaan, komunidad, at mamimili. Sa ganitong paraan, pinangangalagaan natin ang kanilang kabuhayan. At pinoprotektahan din natin ang ating pagkain, ang kanilang dignidad, at ang kinabukasang nais nating ipamana sa susunod na henerasyon.
