Sa pag-atake ni US President Trump sa Iran, may mga kagyat na kailangang gawin ang pamahalaan, lalong-lalo na ang mga embahada natin sa Middle East. Agad-agad na ipatupad ang crisis protocol sa mga dalawang milyong Pilipinong nagtatrabaho at naninirahan doon, kabilang na ang mga isang libong nasa Iran. Para sa mga OFW natin, makipag-ugnayan agad sa mga community leader kung saan man kayo naroon para sa mas mabilis at maayos na evacuation o repatriation, kung anu’t ano man.
Dito sa atin, dahil tiyak ang pagtaas ng presyo ng krudo, kailangang maipatupad agad-agad ang fuel subsidy sa mga tsuper ng tricycle, dyip, at bus, at gayun din sa mga magsasaka at mangingisda para sa kanilang mga traktora at bangka.
Kailangan ding mabilisang ipatupad ang pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa diesel at kerosene para maibsan nang bahagya ang siguradong pagsirit ng fuel prices.