Sinibak na Deputy Ombudsman kaladkarin!

April 4, 2011

Rudy Andal
Pilipino Star Ngayon
Apri 4, 2011

 

MANILA, Philippines – Hiniling kahapon ni Sen. Francis Pangilinan na puwersahan nang ‘bitbitin’ o kaladkarin si Deputy Ombudsman Emilio Gonzales III upang ipa­tupad ang kautusan ng tanggapan ng Pangulo matapos sibakin ito sa puwesto.

Sinabi ni Sen. Pangi­linan, kung wala namang legal na balakid sa pagpapatupad ng 15-pahinang desisyon ng Office of the President ay dapat lamang ipatupad ang kautusan ng Pangulo.

“The presumption of regularity must prevail on the issue of Deputy Ombudsman Gonzales. In this instance, unless constrained by the courts, the decision must be respected and the dismissal enforced,” giit ni Pangilinan.

Magugunita na sinibak ng Malacañang noong Marso 31 si Gonzales da­hil sa mishandling nito ng kaso ng yumaong Sr. Insp. Rolando Mendoza hanggang sa mang-hostage ito ng tourist bus noong Agosto 23 ng nakaraang taon kung saan 8 Hong Kong tourists ang nasawi.

Lumitaw sa imbestigasyon ng Incident Investigation and Review Committee na isa sa dahilan kaya nang-hostage si Mendoza ay dahil sa mabagal na pag-aksyon ni Gonzales sa kanyang kaso sa Ombudsman.

Napag-alaman ng Palasyo na inabot ng ilang buwan na hindi nabibigyang-aksyon ni Gonzales ang kaso ni Mendoza gayung dapat ay 5 araw lamang ito.

Tumanggi ang Office of the Ombudsman na sibakin si Gonzales at sundin ang utos ng Palasyo dahil taliwas ito sa naging desisyon ng Internal Affairs Board ng Ombudsman kung saan ay pinawalang-sala si Gonzales.

Inamin naman ng Palasyo na hindi pa final ang naging kautusan para sibakin si Gonzales dahil maaari pa niya itong iapela sa Office of the President o kaya ay dumiretso sa Court of Appeals (CA) para kumuha ng Temporary Restraining Order.

Samantala, pinayuhan ni Senate President Juan Ponce Enrile si Ombudsman Merceditas Gutierrez na huwag na itong makisawsaw isyu ng pagsibak kay Gonzales.

Sinabi ni Sen. Enrile, may sariling problema na si Gutierrez kaya dapat ay huwag na siyang makialam sa problema ng kanyang deputy.

Wika pa ni Enrile, may kapangyarihan ang Office of the President na magsibak at kumuha ng pagkakatiwalaan nitong tauhan.

Aniya, si Gonzales ay isang abogado at kaya nitong ipagtanggol ang kanyang sarili kaya hindi na dapat makialam pa si Gutierrez sa kaso nito.

View original post on Philstar.com

Image Source: Politics and Governance