STATEMENT OF MINORITY BLOC ON ILLEGAL SEARCH OF KATIPUNAN BAR CUSTOMERS, INTERNATIONAL DAY OF DEMOCRACY

September 15, 2017

Nagkakaisa ang Senate Minority Bloc (Senate Minority Leader Frank Drilon (Liberal Party) and Senators Bam Aquino (Liberal Party), Risa Hontiveros (Akbayan), Kiko Pangilinan (Liberal Party), and Sonny Trillanes (Magdalo)) laban sa pananakot at intimidation tactics ng mga ahensya ng gobyerno, lalo na kapag ang kabataang Pilipino ang pinatatamaan ng mga ito.

Tumitindig kami para depensahan ang ating demokrasiya at ang karapatan ng bawat Pilipino magsalita at tumutol sa gobyerno o anumang polisiya nito.

Noong Miyerkules ng gabi, pagkatapos manawagan ng “Stop EJKs” ang Ateneo sa half-time cheer dance ng laro nila sa basketball laban sa UP, nagsagawa ang mga pulis ng Quezon City ng tinawag nilang “inspection” sa mga bar at kainan sa Katipunan.

Nagpaalam daw ang mga pulis sa association ng mga establishment bago gawin ito ngunit mayroong mga nagsasabing palusot lang ito. Una, ito’y iligal na gawain. Pwede lang buksan ng pulis ang bag ninuman kung may hawak silang search warrant. Ikalawa, pananakot ito at isang anyo ng police harassment at hindi ito ang kauna-unahang insidenteng nanakot ang pulis sa mga mag-aaral na ADMU.

Noong August 24, habang nag-po-protesta ang mga 50 estudyante at guro ng Ateneo sa pagpatay kay Kian delos Santos, may isang police car na walang license plate ang tumigil sa tapat nila at tinanong kung ano ang pinaglalaban nila at pinalista pa ang kanilang mga pangalan.

Nananawagan tayo kay Quezon City Mayor Herbert Bautista na aksyunan ang ganitong harassment ng mga pulis sa mga kabataang nagpapahayag lang ng kanilang saloobin.

Napakahalagang magsalita ang taumbayan laban dito, lalo na ngayong International Day of Democracy.

Huwag na huwag nating hayaang madurog ng intimidasyon at karahasan ang ating kalayaan at mga karapatan.

Kasama po kami ng bawat Pilipino sa laban para sa demokrasya, at laban sa pang-aabuso ng may kapangyarihan.

×