Statement of Sen. Francis “Kiko” Pangilinan, Partido Liberal president, on economic implications of federalism

Hindi na lang taumbayan ang nagsasabi na ayaw nila ang Cha-cha o pederalismo. Sa mga opisyal ng pananalapi ng gobyerno na mismo nanggaling na sobrang magastos ang pag-pepederalismo at mas mahihirapan ang Pilipinas na mangutang para sa mga proyekto nito.

Gaano kagastos? Sabi ni NEDA director general Pernia, ang tantya nila ay P120 billion ang direktang gastos. Yan ay mahigit doble sa P55 billion na tantya ni Prof. Manasan ng Philippine Institute for Development Studies, isang government think-tank, noong huli nating pandinig.

Ano ang mangyayari pag ganyan kagastos? The Philippines’ investment grade credit ratings will “go to hell” if federalism proceeds, sabi ni Finance Secretary Carlos Dominguez. Yung mga nag-g-grade sa atin na karapat-dapat tayong pautangin tulad ng Moody’s Investors Service, Fitch Ratings, at S&P Global Ratings, na binigyan tayo ng magandang grade bilang mangungutang, ay nababahala sa planong pederalismo. Sabi nila, nagbibigay ng “uncertainty” o walang katiyakan at “political risk” o pulitikal na panganib. Kahit sinumang nagpapautang, gusto nila sigurado ang balik ng perang pinautang.

At dahil dito, magiging “build minus three” ang “build, build, build” program ng gobyerno pag nag-pederalismo na tinatayang magbibigay trabaho at kabuhayan sa mga Pilipino.

In short, walang pa-pa at me-me sa pederalismo. Walang makakain at di makakatulog sa kakaisip kung saan kukunin ang susunod na pagkain ang ating mamamayan sa niraratsadang pederalismo.

Ang tanong, ano pa ang dahilan bakit pinipilit ang isang pangakong magdadala sa atin sa impiyerno?