12 June 2025
Ngayong Araw ng Kalayaan, ginugunita natin hindi lamang ang tagumpay laban sa dayuhang mananakop, kundi pati ang araw na isinilang ang ating kakayahan bilang sambayanang Pilipino na mamuno sa sarili — at magpasya para sa kinabukasan ng ating bayan.
Ngunit higit pa sa watawat at kasaysayan, ang tunay na diwa ng kalayaan ay nasusukat sa araw-araw na pamumuhay ng ating mga kababayan.
Malaya bang maituturing ang isang pamilyang walang makain? Malaya ba ang magsasaka kung palugi ang ani? Malaya ba ang manggagawa kung hindi sapat ang sahod para sa kanyang pamilya?
Ang kalayaan ay hindi lamang alaala ng kahapon — ito’y tungkulin sa kasalukuyan. Tungkulin nating tiyaking may pagkain sa hapag, may hanapbuhay sa bawat tahanan, at may katarungan sa bawat sulok ng lipunan.
At kung tunay tayong malaya, kailangang manindigan din tayo sa panahon ng pagsubok — panahong sinusukat ang ating kakayahang managot at maningil. Walang saysay ang kalayaan kung ang kapangyarihan ay hindi ginagabayan ng pananagutan.
Ito ang laban natin ngayon — laban para sa pagkain, katarungan, at pagkakaisa.
Walang kulay ang gutom. Walang kulay ang kahirapan. Walang hinihintay ang solusyon.
Sa araw na ito, alalahanin natin ang kabayanihan ng ating mga ninuno — at panindigan natin ang pagiging makabayan sa gawa, hindi lamang sa salita.
Mabuhay ang Pilipinas. Mabuhay ang sambayanang Pilipino.
STATEMENT OF SENATOR-ELECT KIKO PANGILINAN ON PHILIPPINE INDEPENDENCE DAY
June 12, 2025
