STATEMENT ON ABUSE OF SAGIP SAKA

Kasalukuyan nating bineberipika ang mga ulat tungkol sa umano’y pang-aabuso sa mga kooperatibang sertipikado ng pamahalaan sa ilalim ng Sagip Saka Law, sa pamamagitan ng farmers and fisherfolk enterprise development information system o FFEDIS.

Kung mapatutunayang totoo ang mga ulat na ito, isa itong seryosong paglabag sa Republic Act No. 11321 at malaking inhustisya sa ating mga magsasaka at mangingisda.

Nakikipag-ugnayan na tayo sa Department of Agriculture at iba pang kaukulang ahensya upang alamin ang buong katotohanan at matiyak na mananagot ang sinumang lumabag sa batas.

Nakatakdang magsagawa ang Senate Committee on Agriculture ng pagdinig sa ganap na pagpapatupad ng Sagip Saka Law sa Hulyo 16, 2026, alas-9 ng umaga, alinsunod sa Senate Resolution No. 9.

Isa sa mga tatalakayin sa pagdinig ang mga ulat na may ilang traders na umano’y gumagamit o bumubuo ng mga pekeng kooperatiba ng mga magsasaka upang makapasok sa negotiated direct procurement sa ilalim ng batas. Sisiyasatin din ang mga alegasyong may imported na bigas na nire-repack at ipinapasa bilang lokal na ani sa pamamagitan ng mga transaksyon sa ilalim ng Sagip Saka Law.

Layunin ng pagdinig na higpitan ang mga pananggalang laban sa pang-aabuso, tiyaking may pananagutan ang mga lumalabag, at pangalagaan ang tunay na diwa ng batas: na unahin ang mga lehitimong organisasyon ng ating mga magsasaka at mangingisda.

Habang naghahanda ang ating mga magsasaka at mangingisda sa paparating na bagyo, hindi natin sila pababayaan na tamaan ng isa pang unos: ang unos ng korapsyon. Ang Sagip Saka Law ay para sa mga tunay na nagtatanim, umaani, at pumapalaot, hindi para sa mga nananamantala sa kanilang pawis at paghihirap.