ON THE SUSPENSION OF WAR ON DRUGS AND THE REPORTED ZERO KILLINGS

January 31, 2017

Magandang balita raw: Walang patay kagabi, pagkatapos na pagkatapos iutos ni PNP Chief Bato Dela Rosa na ititigil muna ang giyera laban sa droga sa mga lokalidad at ibabaling ang tuon sa mga abusadong pulis.

Pangit na balita: Nandyan pa rin ang mga abusadong pulis, mga pulis na tinawag mismo ni Pangulong Duterte na “rotten to the core” o “bulok hanggang kalingkingan”.

Gusto lang nating malaman: Ano ang ibig sabihin ng “cleansing the PNP”? Sana madisiplina na ang mga abusadong pulis. Sana makasuhan na sila sa korte. Sana managot sila. Makakatulong ang mabilis at siguradong kaparusahan. Sana hindi ibig sabihin nito, magkakaroon ng mga patay na pulis sa kalye. Sana magkaroon ng resolusyon ang higit 7,000 nang kaso ng pagpatay na binibintang sa mga vigilante o mismong mga pulis na nagpatupad ng Operasyon Tokhang.

Ano ang epekto ng pag-suspindeng ito sa sinabi ni Pangulong Duterte na itutuloy ang giyera laban sa droga hanggang sa matapos ang kanyang termino? Sana kilalanin na usaping pangkalusugan, at hindi krimen, ang drug addiction. Sana ibig sabihin ng lahat ng ito, wholistic na ang approach sa usaping droga — na kasama ang lahat ng aspeto ng pagkatao ang solusyon: sapat na pagkain at kita, disenteng trabaho, at suporta ng pamilya at komunidad.

×