Truth Commission nilusaw ng SC

December 8, 2010

Tina Mendoza, Rose Miranda, Boyet Jadulco, Bernard Taguinod, Noel Abuel at Jun Tadios
Abante Online
December 8, 2010

Idineklara kahapon ng Korte Suprema na labag sa Equal Protection clause ng Saligang Batas ang Exe­cutive Order no. 1 na ipinalabas ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III na nagtatatag sa Truth Commission.

Sa botong 10-5 ibinasura ng SC ang Executive Order no. 1 at idineklarang unconstitutional sa basehang sini-single out lamang umano nito para maimbestigahan si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kaugnay ng kinasangkutang katiwalian.

Ang 10 mahistrado na bumoto pabor sa pagbasura ng EO1 ay sina Chief Justice Renato Corona, Justices Presbitero Velasco, Teresita Leonardo De Castro, Arturo Brion, Diosdado Peralta, Lucas Bersamin, Mariano Del Castillo, Martin Villarama, Jose Perez at Jose Mendoza na siyang nagsilbing ponente sa kaso.

Samantala, nag-dissent naman sina Justices Antonio Carpio, Conchita Carpio-Morales, Antonio Eduardo Nachura, Ma. Lourdes Sereno at Roberto Abad.

Ayon pa sa Supreme Court (SC), mistulang inuulit lamang ng EO1 ang trabaho ng Office of the Ombudsman.

Una nang naghain ang minorya ng Kamara sa pa­ngunguna ni House minority leader Edcel Lagman ng petisyon sa SC na kumukuwestiyon sa legalidad ng Truth Commission dahil na rin sa paglabag ito sa equal protection clause na nakasaad sa batas.

“Enterprise in partisan hostility for engaging in selective and discriminatory pursuit of ‘truth and justice’ solely against officials and personnel of the previous administration,” argumento ng petisyon.
Bungal kasi! — Cam

Isa rin ang whistleblowers group na kinabibila­ngan ni Sandra Cam ang humirit sa Korte Suprema na ibasura ang bungal na Truth Commission ni PNoy.

Sinabi ni Cam na hindi sila magko-cooperate at susuporta sa gagawing imbestigasyon ng komisyon dahil alam nila na walang mangyayari rito dahil ang nasabing komis­yon ay walang ngipin at walang karapatan si dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide Jr. na pamunuan ito.

M’cañang ‘di susuko!

Dismayado man sa naturang desisyon ng Kataas-Taasang Hukuman, si­niguro kahapon ng Malacañang na hindi ito makakaapekto sa pursigidong kampanya laban sa corruption at lalong hindi ito makakapreno sa paghahangad ng hustisya laban sa mga opis­yal ng nagdaang administrasyon na mapapatuna­yang nagkasala sa bayan.

“Certainly we are disappointed with the decision on EO1. Again, like I’ve been saying, this is a setback on our efforts for reform and accountability and to put closure in all these scandals of the past administration. But, again, this will not hamper our efforts, our continuing efforts to find the truth, to seek the truth and we will go to the bottom of this in one way or another,” ani presidential spokesman Edwin Lacierda.

Sinabi naman ni Exe­cutive Secretary Paquito Ochoa na ilalaban ng Malacañang ang ginawang paglusaw ng SC sa Executive Order No. 1 na siyang lumilikha sa Truth Commission sa pamamagitan ng paghahain ng motion for reconsideration ng Office of the Solicitor General.

Maagang Pamasko kay Gloria


Sabi naman ni Sen. Francis ‘Kiko’ Pangilinan, para na ring inabswelto ng SC si Arroyo, sampu ng administrasyon nito, sa kaliwa’t kanang alegasyon ng katiwalian at pagsasamantala sa bayan.

Masasabi rin umanong maagang Pamasko ito sa dating pangulo na ngayo’y kongresista ng Pampanga.

“Tiyak ang pinakamasaya sa nasabing desis­yon ay walang iba kundi si GMA,” anang senador.

“Ang epekto nito sa isipan ng publiko ay pinapawalangsala si Gng. Arroyo sa mga eskandalo at pagiging sangkot nito sa katiwalian at pang-aabuso sa gobyerno. Makakasama ito sa imahe ng korte, nawa’y magbago pa ang pasya ng ating mga mahistrado sa pamamagitan ng isang motion for reconsideration,” dagdag pa ni Pangilinan.

Biyak na Kamara

Magkakaiba naman ang komento ng mga mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso sa desisyon ng SC.

“Frankly this is disastrous,” reaksyon ni House Deputy Speaker Erin Tañada na nagsabing napa­kalaking balakid nito sa tinatahak na ‘tuwid na landas’ ng kasalukuyang administrasyon.

Ayon naman kay Iloilo Rep. Neil Tupas, chairman ng House committee on justice, awtomatikong may negatibong epekto sa paglaban sa corruption ang pagbalewala sa nasabing komisyon.     

Sa panig ni House majority leader at Mandalu­yong Rep. Neptali Gonzales, pinayuhan nito ang Pa­ngulo na kung seryoso itong malaman ang katotohanan sa mga anomalya sa nakalipas na administrasyon ay kailangang bumuo ito ng multi-agency task force.

Para kay Lagman na naghain ng petisyong pinaboran ng Kataas-taasang Hukuman, pinuri nito ang katatagan ng mga mahistrado sa kanilang desisyon at hiniling sa lahat na irespeto ang desisyon.

 

 

 

View original post on Abante Online